Marami na ring lunsod ang mayroong malalaking mga gusali. Maraming malalaking mall sa iba’t ibang dako. Mayroon na ring mga overpass. At marami na ring mga pook- pasyalan sa mga lunsod at malalaking bayan na talaga namang makapag-aangat ng mga lupaypay na damdamin at ispiritu.
Kung sa turismo naman, maraming mga lugar sa Pilipinas na itinuturing na paraiso ang pinagdarayo ng mga taga-ibang bansa. Di ba mayroon pa ngang lugar sa Pilipinas na siyang “setting” ng mga pelikulang gawa ng Hollywood?
Mayroon din naman, kung sabagay, na mga tanawing nakadudurog-puso pag nakita mo. Naririyan ang mga squatter areas na ang mga tahanang makikita mo’y tagni-tani at hindi mo aakalaing mga tao ang nangakatira. Mayroon pa ring makikitang ang lugar na tinitirhan ay mga pinagdatig-datig na karton o kaya ay mga lumang lona o mga sako na nasa ilalim lang ng mga tulay.
Sabagay, sa mga malalaking lunsod lamang yata may ganito kapait na makitang mga lugar at kalagayan ng mga tao sa buhay. Sa mga prubinsya naman, lalo na sa mga malalayong barangay, bihira na yatang bahay ngayon na dati’y yari sa kugon, dayawa at kawayan ang hindi nagiging mga bahay na yari na sa hollow blocks, kahoy, at yero.
Ang maitatanong mo na lang sa sarile mo ay bakit kaya doon pa ginugusto ng mga taong iyon na magsiksikan sa mga squatter areas samantalang napakalawak pa ng mga lugar sa mga prubinsiya. Baka kaya tama iyong sabi ng isang mapagmasid na doon daw sa siyudad, kahit mahirap ka’y lagi mo naman daw natatanaw ang mga mararangya at magagandang bagay at lagi pang may nakikitang mga sikat na mga artista at mga tao.
Bago pa man dumating ang mga dayuhan sa Pilipinas, lalo na ang mga Kastila, may sarile nang kakanyahan ang mga taong naninirahan dito sa ating bansa. Mayroon tayong lengguahe na kabilang na ang Tagalog, Iloko, Pangasinan, Pampangan, Sugbuhanon, Hiligaynon, Samarnon, at Magindanao. Mayroon din tayong sistema ng pagsulat, literatura, sining at iba pa.
Nagbago ang maraming bagay nang dumating ang mga Kastila noong 1521. Noon nga’y tinawag na “Archipelago of St. Lazarus” ang unang lugar na kinapuntahan ni Magellan, ang Samar. Iyong sumunod na expedisyon, tinawag na Villalobos Expedition, ay nakarating naman sa Samar-Leyte. At doon, sa pamamagitan ng isa sa mga miyembro ng expedisyon ni Villalobos, si Bernardo dela Torre, ibinigay niya ang pangalang “Felipinas” sa naturang lugar sa karangalan ni Philip, noo’y “crown prince” ng Espanya.
Sa kalaunan, ang pangalang iyon ay iginawad na rin sa buong bansa na sa kalaunan ay nabago at naging Pilipinas nga.
May ilan ng mambabatas ang nagmungkahing baguhin ang pangalan ng bansa. Kung baga, ayaw na nila ang pangalang Pilipinas. Unang-una na, matagal na raw kasi ang pangalang ito na hango naman sa isang dayuhang katauhan. Siguro, gusto na rin nilang baguhin ang pangalan ng bansa dahil kadalasang may malulubhang pangyayari na nagbibigay ng hindi magandang imahen sa bansa.
Gayunpaman, mukhang wala namang pumapatol sa suhestiyon na baguhin ang pangalan ng Pilipinas.
Pero, may narinig akong mungkahi ng isang kaibigan na dapat daw maging pangalan ngayon ng Pilipinas. Sabi niya, ang dapat daw itawag sa bansa natin ay hindi Pilipinas kundi “Pilas-pilas”.
Siyempre, natawa ako sa simula. Pero nang ibigay niya ang mga rason, parang biglang nagbago ako ng pananaw.
“Tingnan mo,” sabi niya, “ang bansa natin ay binubuo ng mahigit 7,000 na mga malalaki at maliliit na isla. Hiwa-hiwalay, di ba?’
Sabi pa niya, mayroon din tayong mga kalahi na gusto nang magsarile. Kung baga, hihiwalay sa karamihan. At ano raw ba ang ginagawa ng iba? Pilit na inilalarawang pangit at magulo ang ating bansa. Wala nang inisip ang iba kundi patalsikin ang kasalukuyang pamunuan. At pati raw mga ilang obispo ay nagbubuyo na gumawa ng mga hakbang para isagawa na ang pagbabago.
Iyon namang mga iba, wala nang inisip kundi magkamal ng salapi sa pamamagitan ng mga anomalya. Hayun tuloy, lagi na lang ang napag-uusapan ay kabulukan at nagkakahati-hati tuloy ang opinion ng mga tao.
Kung eleksiyon naman, nagkakahati-hati rin ang sambayan dahil sa kanya-kanyang interes at pananaw. Dahil din kung minsan sa kislap ng salapi, nabubulagan ang isip ng marating botante. Kaya hayan, maraming magagaling na hindi nahahalal at marami namang mga bupol na nang mahal ay hayun at ni hindi mo na nga marinig ang mga tinig ay wala pa ring magaling na nagagawa. Dapat daw sana, kung mulat ang mga botante at ang nasa isip ay pagpili ng mga taong karapat-dapat, maganda raw sana ang takbo ng butu-buto ngayon.
Hati-hati na rin ang mga tao ukol sa sistema ng gobyerno. May gusto ng Federalismo. Mayroon namang ang gusto ay parlamentaryo. Iyon namang iba ay gusto na ang kasalukuyang sistema.
Hati-hati rin ang paniniwala ng marami kung paano isasagawa ng kinakailang pagbabago sa konstitusyon.
Mayroon pa ring mga grupo na wala na yatang inisip kundi magsisigaw sa kalsada, iwagayway ang mga bandilang pula, at itaas ang tikom na mga kamao at sama-samang sumigaw ng “Ibagsak… ibagsak…” Kung may bagbagsak, may mananatili pa ring nakatayo. At iyon na, watak-watak na naman.
Pilas-pilas nga ba ang dapat itawag sa Pilipinas?
Marami ang hindi sasang-ayon. Iyan naman daw mga pilas-pilas na mga bagay ay nabubuo rin naman. Kahit mga isla, mga tao, mga adhikain, mga layunin, at hangarin para sa isang magandang tunguhin ay napagbubuu-buo rin basta rin lamang may matitinong kaisipan at gawain na mangunguna.
Di ba’t may kuwento nga tungkol sa isang mag-ama na dahil gusto ng ama na gawing abala ang anak na makulit ay pinagpunit-punit ang isang pahina ng dyaryo na may mapa ng Pilipinas? Akala ng ama ay mahihirapan ang anak sa pagbuo ng mapa at iniisip niyang magiging abala ito sa gawain sa loob ng isang oras o higit pa. Nguni’t laking gulat niya ng ilang minuto lang ay nabuo ang mapa.
“Paano ang ginawa mo at madali mong nayari ang mapa?” tanong ng ama.
“Madali lang po. Pinagdugtung-dugtong ko lang iyong litrato ng mga tao sa likod ng mapa,” sagot ng bata.
Ang punto natin: Siguro nga. Ang pilas-pilas nating bayan ay mabubuo kapag pinagdikit-dikit at pinagkaisa ang mga tao.