Bahay at buhay sa bukid

    975
    0
    SHARE

    Noon, tulad din ng ibang mga kabataang nagpapasimula pa lamang sa pagpapamilya, pangarap din namin ang magkaroon ng sariling lupa at bahay. At siyempre, tulad ng iba pa ring mapangarapin sa magandang bahay at buhay, ang pangarap naming lupa at bahay ay sa isang subdivision.

    Hindi ba’t gayon din ang lundo ng pangarap ng maraming pag-asawahan? Lupa at bahay sa isang subdivision. Iyon bang subdivision na may magagandang kalsada, may nakatagong kanal na padaluyan ng tubig para huwag bumaha sa buong subdivision, may daloy ng kuryente na ang bawa’t poste kung gabi ay may maliliwanag na ilaw, may koneksiyon ng tubig na maiinom, may linya ng telepono, cable TV, may isang parke, simbahan, at may guwardiya sa malaking gate.

    Siyempre, kasama sa pangarap yaong pagkakaroon ng sariling sasakyan na gamit ng pamilya sa paglabas ng subdivision para sa pumasok sa opisina o magpunta kaya sa pamilihan.

    Doon nga umiinog noon ang aming pangarap. Kaya naman, nang may buksan na isang subdivision at may nag-aalok ng lupa o kaya’y lupa at bahay na hulugun, hindi na kami nagdalawang-isip ng aking maybahay na makipag-agawan sa mga may nais na manirahan sa subdivision. Lupang hulugan lang ang kinuha namin. Kami na ang magpapatayo ng bahay pagdating ng takdang panahon, napagpasiyahan naming.

    Natagpusan naman ang pagbabayad sa lupa. At doon nga namin pangarap na balang araw ay makapagpatayo ng bahay.



    Hindi namin natupad ang aming pangarap na manirahan agad sa isang subdivision. Doon kasi sa napasukan naming trabaho, na isang pampamahalaang pamantasan, ay may pabahay sa mga kawani. Isa kami sa napiling mabigyan ng bahay na mura lang naman ang bayad isang buwan. P150 lang ang upa sa isang buwan at mura rin ang bayad sa kuryente at sa tubig.

    Kapag ganoon pala na may matitirhan kang magandang bahay at mura lang ang upa, mawiwili ang loob mo at makakalimutan mo ang pangarap mo na magpatayo ng sarili mong bahay. Kaya, hayun, dumaan ang panahon at wala kaming napaitayong bahay.

    Pero, may hangganan din nga ang pribilehiyo sa pagkakaroon ng bahay na matitirhan sa bakuran ng pamantasan. Kapag nagretiro ka na, dapat mo nang iwan ang bahay na tinitirhan mo. Kailangang lumabas ka na ng pamantasan at manirahan na sa sarili mong bahay.

    At siyempre, maiisip mo nang bigla ang lupa sa isang subdivision. Doon ka na magpapatayo ng sarili mong bahay. Matutupad na rin ang matagal mo nang pangarap.
    Pero bakit ganoon? Ang pangarap kong subdivision ay mukhang lubha nang masikip.

    Dikit-dikit na halos ang mga bahay. Matataas na rin ang mga bakod at mukhang hindi mo na rin makakausap ang mga kapit-bahay mo. Kapag umuulan, bumabaha na rin sa ilang bahagi ng subdivision. Kung tag-araw naman, saksakan na ng init dahil wala na yatang makapasok na hangin sa masikip nang subdivision. Nagsala-salabat na rin ang mga kawad ng kuryente, telepono, cable TV at iba pa. At madalas na rin daw may nagiging biktima ng akyat-bahay sa loob ng subdivision.

    Mukhang kinalimutan na ng may-ari ng subdivision ang pagpapaayos sa kanyang subdivision. Siguro ay nagkamal na siya ng limpak na salapi at nakalimutan na niyang tugunan ang pangangailangan ng mga kumuha ng hulugang bahay at lupa sa subdivision.

    Sabi sa akin ng isang kamag-anak, kapag doon daw kami tumira sa subdivision, mas marami raw sakit ng loob kaysa ginhawa sa kalooban ang madadama namin. Baka ilang taon lang daw ay para na kaming mga lantang gulay.



    Sa bukid namin naisipang magpatayo ng bahay. Mga tatlong kilometro ang layo sa highway. Ang harap, tagiliran at likuran ng bahay ay bukid na tinatamnan ng palay. Malalayo rin ang mga kapitbahay. Pero may munting kalsada naman, may daloy ng kuryente, at nakarating na rin ang kawad ng cable TV. Wala nga lamang tubig sa water system pero madali namang maglagay ng bomba ng tubig.

    Bakit daw kami sa bukid tumira? Ang layu-layo naman daw sa highway. Malayo raw sa palengke, sa eskuelahan, sa simbahan. Pero, naisip ko lang, mayroon pa bang malayong lugar ngayon? Hindi ba’t halos lahat na ng lugar na madali nang marating ngayon?



    Matagal-tagal na rin kaming naninirahan sa bukid. Tahimik. Wala ang ingay ng mga tricycle at mga sasakyan. Sariwa ang hangin.

    Hindi na rin malayo ang lugar namin. Siguro’y talagang ganoon, sa umpisa ay parang malayo pero sa kalaunan ay mukhang malapit na rin.

    Hindi pa nga lang ayos ang mga kalsada. May lubak pa rin kung tag-ulan at maalikabok sa tag-araw. Pero naiisip ko, balang araw kapag natapos na ang mga pagawain sa kabayanan, wala namang ibang maiisip na ipagawa ang mga namumuno kundi yaong nasa kanayunan.

    At hindi ba ito ang totoo kung nalalapit na ang eleksiyon?
    Marami-rami na rin kaming naaning gulay na walang kemikal. May nabibingwit na rin kaming ilang tilapia sa maliit na fishpond at may itlog na rin ng native na manok na nakukuha sa pugad. Mayroon na ring napipitas na bunga ng bayabas, mangga, atis, tsiko, sampalok at iba pa.

    Kung ako’y napupunta sa kalunsuran o kaya’y kabayanan, bakit parang gusto kong umuwi agad at matakasan ang ingay at lagkit ng hangin at sagapin ang sariwang hangin sa bukid.
    May ilan-ilan na ring kaibigang napunta sa amin. Ang balita ko, ibig na rin nila ang manirahan sa bahay sa bukid at damhin ang sarap ng buhay sa bukid.

    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here