Home Headlines Manggagawa sa LGU: Huwag hayaang magsara ang Petron refinery

Manggagawa sa LGU: Huwag hayaang magsara ang Petron refinery

630
0
SHARE

Petron Refinery in Limay. Photo CTTO



LIMAY, Bataan
Halos isang libong manggagawa ng Petron refinery dito ang mawawalan ng kabuhayan sa sandaling matuloy ang sinasabing pagsasara ng pinakamalaki at nag-iisang planta ng produktong petrolyo sa bansa sa susunod na buwan.

Bukod sa kanila, tinatayang mahigit 2,000 third party personnel na kabilang ang mga suppliers at contractors ang maaapektuhan din ang kabuhayan.

Dahil sa problemang ito, sabi ni Thom De Villa, refinery shift superintendent, umapila sila noong isang araw sa local government unit ng Limay sa pangunguna ni Mayor Nelson David na sana’y matulungan ang kumpanya at mga umaasa rito.

Ang Petron refinery ay matatagpuan sa Barangay Alangan.

“Kung matutuloy ang pagsasara, hindi lang kaming mga empleyado ng Petron ang tatamaan  kundi marami pang iba at pati na ang mga taong sa amin lang umaasa lalo na’t panahon ng pandemya,” pahayag nito.

Malaking epekto rin, aniya, ang pagsasara sa oil supply ng bansa. Ang refinery ay sinasabing may daily rated capacity na 180,000 barrels. Gumagawa ang planta ng iba’t ibang fuel products kabilang ang diesel, gasoline, liquefied petroleum gas, Jet A1 at petrochemical.

“Sama-sama kaming humihingi ng tulong sa pamahalaan ng Limay na tulungan ang Petron. Naniniwala kami na malaki ang magagawa ng pamahalaan para hindi tuluyang magsara ang refinery. Kung magtulungan sila at ang pamunuan ng kumpanya, may paraan pa para maisalba ang refinery. Bahagi na ng Bataan ang Petron refinery,” sabi ni De Villa.

Suportado rin ng mga manggagawa, ani De Villa, ang Petron sa naisin nitong mapabilang ang refinery sa Freeport Area of Bataan sa bayan ng Mariveles na katabi ng Limay.

Ang FAB sa ilalim ng Authority of the Freeport Area of Bataan ay may extension program sa 10 bayan at isang lungsod ng Bataan at may mga incentives, tulad ng ibang mga freeport at economic zone, na ipinagkakaloob sa mga locators.

Sa tulong ng pamahalaan ng Limay, sana ay maiparating sa national government ang aming saloobin. Kaisa kami ng Petron sa nais nitong maisama ang refinery sa Bataan freeport at sana matulungan kami ng munisipyo sa bagay na ito, sabi ni De Villa.

Naniniwala raw sila na ito’y makakatulong na malunasan ang patuloy na problema sa pananalapi ng Petron at kahit papaano’y mabawasan ang “uncompetitive playing field in terms of taxes paid.”

Kasalukuyan pa umanong masusing pinag-aaralan ng mga opisyal ng Limay ang hakbang na gagawin.

Sa mga ulat sa media, sinasabi ni Ramon S. Ang, pangulo ng Petron Corp., na mapipilitan ang refinery na magsara sa Enero 2021.

Nalulungkot umano siya kung bakit ang mga refiner ay sinisingil ng buwis sa importation pa lang ng crude oilsamantalang ang mga importer ay binubuwisan sa finished product level na nagreresulta sa mataas na tax sa mga refinery.

Sinabi pa ni Ang na ang walang katiyakang galaw ng presyo ng crude oil sa mundo ay nagresulta ng malaking inventory losses na nadagdagan pa ng mahinang benta dahil sa pandemya,  ang nagpalala sa problema ng refinery.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here