Tirik na ang araw ngunit nakararanas pa rin ng pagbaha ang 13 barangay sa Hagonoy. Kuha ni Rommel Ramos
HAGONOY, Bulacan — Pinag-aaralan na ng lokal na pamahalaan ang pagdedeklara ng state of calamity dahil sa nararanasan na pagbaha sa 13 barangay dito dahil sa pag-apaw ng Pampanga River.
Ayon kay municipal councilor Jay-ar Manlapaz, itinakda na ang special session para talakayin ang pagdedeklara ng state of calamity para matugunan ang pangangailangan ng 30,000 pamilya na apektado ng backflooding.
Aniya, apektado pa rin ng hanggang apat na talampakan na lalim ng tubig ang mga barangay ng Iba, Palapat, San Agustin, San Isidro, San Juan, San Miguel, San Pedro, Sta. Monica, Tampok, Tibaguin, Iba-Ibayo, Carillo, at Abulalas
Inaasahan na magtatagal pa daw ang pagbaha dahil patuloy pang-umaapaw ang Pampanga River na nagmumula ang tubig sa Nueva Ecija at Pampanga matapos manalasa ang bagyong Ulysses.
Ayon sa talaan ng PDRRMO, lagpas critical level pa ang tubig sa Sulipan River na 3.95 meters mula sa 3.8-meter critical level, at Candaba River na 6.07 meters mula sa 5-meter critical level habang nasa alarm level pa na 7.74 meters ang Arayat River.
Dagdag pa dito ang naging pagpapakawala ng tubig ang mga dam na Angat, Ipo at Bustos na sa bayan din ng Hagonoy ang baba ng tubig.
Samantala, kasalukuyan pa rin na nagsasagawa ng relief operation ang LGU ng Hagonoy at nasa 232 na pamilya na ang inilikas.
Wala pa ring supply ng kuryente hanggang sa ngayon ang mga barangay ng San Sebastian, San Jose, at Mercado mula nang manalasa ang bagyong Ulysses.