LUNGSOD NG BALANGA — Dalawang health worker at apat na kabataan ang kabilang sa 30 bagong kumpirmadong kaso ng coronavirus disease sa Bataan na ang kabuuang bilang ay umabot na sa 2,967, sabi ngayong Biyernes ni Gov. Albert Garcia.
Ang mga bagong nagpositibo sa Covid–19 ay siyam mula sa Limay, pito sa Mariveles, anim sa Dinalupihan, tatlo sa Orani, tig-dalawa sa Abucay at Balanga City, at isa mula sa Pilar.
Kabilang sa kanila ang dalawang health worker na 35-anyos at 29-anyos na parehong lalaki mula sa Balanga City at apat na kabataan sa Limay – 2-anyos, 9-anyos at 11-anyos na pawang lalaki, at 9-anyos na babae.
Umakyat naman sa 2,744 ang mga nakarekober nang magtala ng limang bagong gumaling sa virus na ang dalawa ay mula sa Dinalupihan at tig-iisa sa Bagac, Orion at Abucay.
Ang kabuuang bilang ng mga aktibong kaso ay 164 at ang mga nasawi na ay 59.
May 31,850 na ang na–test sa Covid–19 na ang 28,625 ay nagnegatibo na at 258 ang naghihintay pa ng resulta.
“Upang hindi na po dumami ang kaso ng Covid–19, patuloy po ang ating tagubilin na palaging maghugas ng kamay, manatili sa inyong mga tahanan at kung kinakailangang lumabas ng bahay ay umiwas sa mga mataong lugar, magsuot ng face mask at mag–observe ng physical distancing na dalawang metro,” paalaala ng governor.