ORION, Bataan — Itinaas na ng mga mangingisda dito ang kanilang mga bangka ngayong Miyerkules bilang paghahanda sa pagdating ng malakas na bagyong Ulysses.
Sinabi ni Leonarda Azurin, barangay secretary ng Capunitan sa Orion, na sa kanilang barangay pa lamang ay may mahigit na 500 mangingisda na apektado ng bagyo.
Kapag may typhoon signal na, aniya, lalo na tulad ngayon na Signal No. 2 na ang Bataan, talagang hindi na pumapalaot ang kanilang mga magdaragat upang maiwasan ang disgrasya.
Naging leksiyon na umano sa mga mangingisda ang isang pangyayari noon na may ilang magdaragat ang kamuntik nang masawi dahil sa pangingisda kahit may warning na.
“Kusa nang hindi pumapalaot ang aming mga mangingisda kapag masama ang panahon upang hindi na mahirapan ang mga barangay officials,” sabi ni Azurin.
Ito rin ang sinabi ni Oscar Oriel, 70, habang naghahabi ng kanyang lambat. “Pagkatapos ng bagyo saka na lamang kami nakakapalaot.”
Ang mga bangka ay nasa basketball court ng barangay at mismong tabi ng mga sementadong kalsada. May ilang nasa tubig pa rin ngunit bago raw humapon ay iaakyat ding lahat ang mga ito sa tabi ng kalsada.
Ayon sa matandang mangingisda, naghihintay na rin sila ng abiso para sa preemptive evacuation lalo na ang mga nakatira sa bahay sa tabi ng dagat.
Karaniwan, aniyang, nag-aanounce ang mga barangay official kung dapat na silang lumikas patungo sa mga mas ligtas na lugar kung sakaling magkaroon ng storm surge.
Sinabi ni Azurin na nakahanda na naman ang kanilang evacuation center sa Capunitan Elementary School, School of Fisheries, barangay health center at isang kapilya.
Kusa umanong lumilikas ang mga tao sa tabi ng dagat kapag nag-anunsiyo na ang mga barangay official sa utos ni punong barangay Ernesto de Luna.
Tinatayang may 380 pamilya mula sa Capunitan ang mga lilikas dahil sa bagyong Ulysses.