LUNGSOD NG BALANGA — Mas higit na marami ang bagong nakakarekober kaysa bagong nagkakasakit kaya bumagsak sa 136 ang mga aktibong kaso ng coronavirus disease sa Bataan, ngunit isa naman ang nadagdag sa nasawi na ang bilang ay umabot na sa 59, sabi ni Gov. Albert Garcia nitong Martes.
Nagtala ng 23 bagong recoveries kaya umakyat sa 2,708 ang kabuuang bilang ng mga naka-rekober na kumpara sa apat na bagong nagkasakit na nagpataas sa 2,903 ang mga kumpirmadong kaso.
Ang mga bagong naka-rekober ay lima mula sa Limay, apat sa Mariveles, tig-tatlo sa Balanga City at Samal, tig-dalawa sa Pilar, Hermosa, Orani at Dinalupihan. Ang pinakabata ay 10 taon at ang pinakamatanda ay 86.
Ang mga bagong kumpirmadong kaso ay ang mga sumusunod: dalawa sa Orani at tig-isa sa Balanga City at Dinalupihan.
Umabot na sa 31,197 ang natest sa Covid–19 na ang 27,986 ay nagnegatibo na habang 308 pa ang naghihintay ng resulta.