LUNGSOD NG BALANGA — Isang batang lalaki ang naitalang kabilang sa siyam na bagong nakarekober samantalang isa ring batang lalaki ang napabilang naman sa anim na bagong kumpirmadong kaso ng coronavirus disease sa Bataan, ulat ni Gov. Albert Garcia nitong Huwebes.
Ang mga bata ay parehong dalawang taong gulang na ang gumaling ay mula sa Hermosa at ang bagong nagpositibo sa Covid–19 ay mula sa Samal.
Umakyat sa 2,635 ang kabuuang bilang ng mga nakarekober matapos magtala ng siyam na bagong gumaling na ang tatlo ay mula sa Mariveles, tig-dadalawa sa Balanga City at Hermosa, at isa mula sa Samal.
Tumaas naman sa 2,839 ang mga kumpirmadong kaso nang magkaroon ng anim na bagong nagpositibo sa virus na ang dalawa ay mula sa Mariveles, dalawa sa Samal, at tig-isa sa Balanga City at Limay.
Patuloy ang pagbaba ng bilang ng mga aktibong kaso na sa pinakahuling ulat ay 149 na. Nasa 55 ang mga pumanaw.
Mula Enero hanggang sa kasalukuyan, 30,167 na ang na–test sa Covid–19 na ang 27,045 ay nagnegatibo at 283 ang naghihintay ng resulta.