Ang barangay Calizon sa Calumpit na isa sa mga apektado ng patuloy na pagbaha. Kuha ni Rommel Ramos
LUNGSOD NG MALOLOS — Nakaranas ng moderate to occasional heavy rains ang lalawigan sa pananalasa ng bagyong Quinta.
Ayon sa PDRRMO, nasa signal No. 2 ang 21 bayan sa Bulacan maliban sa mga bayan ng Donya Remedios Trinidad, San Ildefonso, at San Miguel na nasa signal No.1
Samantala, lubog pa rin sa baha ang 12 barangay sa Calumpit at siyam na barangay sa Hagonoy dahil sa pag-ulan, high tide, at pagtaas ng tubig sa Pampanga River.
Ang mga barangay ng Calizon, San Miguel, at Meysulao sa Calumpit ay umaabot sa hanggang apat na talampakan ang lalim ng tubig.
Patuloy na binabantayan ng PDRRMO ang Candaba River na nasa alarm level na 4.93-meters na, halos aabot na sa critical level na 5-meters, dahil sa mga bayan din ng Calumpit at Hagonoy ang baba ng tubig nito.
Inaasahan din na makadadagdag sa pagbaha sa dalawang nabanggit na mga bayan ang pagpapakawala ng tubig ng Ipo Dam na 100.60 cms, at Bustos Dam na 162cms.
Lagpas na kasi sa critical level na 101 meters ang Ipo Dam na nasa 101.40 meters habang kailangan namang panatilihin na mas mababa sa 17.34 meters overflowing level ang Bustos Dam.