LUNGSOD NG BALANGA — Bagama’t ibayong pag-iingat laban sa coronavirus disease ang ipinapayo sa mga senior citizen, hindi batayan ang edad ng isang tao upang makaligtas sa mapanganib na virus habang hindi ito pinababayaan at may sapat na suporta ang pamahalaan at pamilya.
Ito ang sinabi ni Gov. Albert Garcia Huwebes matapos makaligtas sa Covid–19 ang isang 91-anyos na babae mula sa Orion na itinutring na pinakamatandang survivor sa lalawigan.
Si Nazaria Crisostoma or Impong Nene, ani Garcia, ay nakarekober at naka-kumpleto ng 14 na araw ng quarantine nitong Miyerkules.
“Patunay lang na kahit itinuturing na high risk ang matatanda sa Covid-19, makare–recover pa rin basta’t mabibigyan ng tama at sapat na atensyong medikal gayon din ng pangangalaga ng pamilya at suporta ng ating pamahalaan,” sabi ng governor.
Ang matanda ay kabilang sa 28 bagong nakarekober na ang kabuuang bilang ng mga gumaling ay umabot na sa 2,418.
Isa siya sa 12 bagong gumaling mula sa bayan ng Orion na ang iba ay lima mula sa Mariveles, tig-aapat sa Limay at Morong, at tig-iisa sa Balanga City, Hermosa, at Orani.
Samantala, ang mga kumpirmadong kaso ay umakyat sa 2,665 matapos magtala ng 19 na bagong nagpositibo sa virus. PIto sa mga ito ang mula sa Mariveles, lima sa Orani, apat sa Abucay, dalawa sa Hermosa, at isa mula sa Balanga City.
Pababa nang pababa ang mga aktibong kaso o mga hindi pa gumagaling sa virus na ang bilang sa pinakahuling ulat ay 195.
Sa 26,687 na nagpa-Covid test, 23,768 ang nagnegatibo at 254 ang naghihintay ng resulta.