Home Headlines Pag-angkat ng bigas huwag itapat sa anihan ng palay

Pag-angkat ng bigas huwag itapat sa anihan ng palay

971
0
SHARE

Ang mga imbak na palay sa bodega ni Glenda Concepcion sa Intercity na inabutan ng pagbagsak ng presyo nito. Kuha ni Rommel Ramos



BALAGTAS, Bulacan — Bagsak pa rin ang presyo ng palay dahil sa rice importation sa ilalim ng
Rice Tariffication Law kayat nalulugi na daw ang ilang mga millers at magsasaka.

Ayon kay Glenda Concepcion, miller sa Intercity, hanggang ngayon ay nakaimbak pa sa kanyang bodega ang kanyang mga biniling palay dahil inabutan ito ng pagbagsak ng presyo dahil sa mga imported na bigas sa merkado.

Nasa P23.50 ang kada kilo ang kanyang biniling palay ngunit bumaba ito sa P16.50 kada kilo kayat inimbak na lang niya ito dahil malulugi siya kung ibebenta pa sa kasagsagan ng bagsak na presyo nito.

Kayat panawagan niya sa gobyerno na sana ay huwag isasabay sa anihan ng mga palay ang pag-importa ng mga bigas.

Hindi daw kasi nila kayang sabayan ang presyo ng imported rice dahil marami silang gastusin sa operasyon gaya ng storage, milling fee, manpower at transportation.

Ang magsasakang si Melencio Domingo na nananawagang itigil na ang pag-angkat ng bigas. Kuha ni Rommel Ramos

Samantala, nais naman ni Melencio Domingo, pangulo ng mga magsasaka sa Barangay Santor sa Malolos na itigil na ng gobyerno ang importation ng bigas na nakakaapekto sa kanilang pagsasaka.

Gaya ngayon na nasa P12 hanggang P19 lamang kada kilo ang presyo ng kanilang palay.

Kayat kung tutusin ay kulang pa daw ito sa kanilang pangkain at pambayad utang na lalong nagpapahirap sa mga magsasaka dahil sa pagpasok ng mga imported rice sa halip na ang mabili ay ang ani nilang palay.

Anila, kung matutuloy pa ang plano ng Department of Agriculture na umangkat ng 300,000 metric tons ng bigas sa huling buwan ng taon ay lalo itong magpapahirap sa kanila dahil tatamaan ang panahon ng kanilang ani.

Sa Nobyembre hanggang Disyembre kasi ang panahon ng kanilang anihan kayat panawagan nila na huwag nang umangkat ng bigas ang pamahalaan para makabawi sila sa kanilang kikitain.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here