BAGAC, Bataan — Tinaga at napatay ang isang punong barangay sa bayang ito ng kanya mismong kagawad at pinsang buo pa dahil sa alitang may bahid pulitika diumano, sabi ng pulisya ngayong Lunes.
Kinilala ni Bagac police chief Capt. Michelle Agnetha Gaviola ang biktima na si Danny Boy Panganiban, 34, barangay chairman ng Ibis, Bagac samantalang ang suspek ay si kagawad Eduardo Panganiban, 42, ng nabanggit na barangay.
Naisugod pa sa Bagac Community and Medicare Hospital ang biktima Sabado ng gabi ngunit kinabukasan ay binawian din ito ng buhay.
Batay sa imbestigasyon ng pulisya, nagpunta ang kapitan sa kanilang barangay hall upang magtanong kung bakit maraming tao na napag-alaman nito na dahil pala may nagbanggaang dalawang motorsiklo.
“Habang kinakausap ni kapitan ang mga biktima ng aksidente, biglang tinaga ito ni kagawad. Nataga sa ulo,” sabi ni Gaviola.
Agad naman umanong nahuli ang suspek na umamin sa ginawa nito. “Isa pa, may nakakita naman sa pangyayari,” dagdag pa ng hepe.
“Sinasabing dahilan ng suspek kung bakit niya tinaga ay iba raw magsalita si kapitan. Away pulitika. Iba raw magsalita si kapitan kapag sila’y nagse–session. Hindi raw magandang magsalita sa kanyang konseho,” sabi ni Gaviola.
Sinabi ni Domingo Panganiban, 67, na napakabait ng kanyang anak na kapitan.
“Gusto kong mangyari huwag nang palayain, ikulong habang buhay. Kasi kung lalaya, hindi ko maisip kung ano gagawin ng anak ko,” ani Panganiban.
Ayon sa matanda, pamangkin niya ang suspek. “Kaya niya ginawa sa anak ko, gusto sila maupo. Pulitika, magkalaban sila.”
Napag-alaman na apat na buwan pa lamang nauupo bilang punong barangay ang nasawi matapos palitan nito ang namatay na barangay chairman.
Ikinuwento naman ni barangay tanod chief Reynaldo Nuguid na nagkaroon ng aksidente ng dalawang motorsiklo kaya nandoon sa barangay hall ang kanilang kapitan. Ang focus ng pansin ng mga tao, aniya, ay nasa aksidente.
“Tinaga siya, nanggaling sa likod. Hindi alam ng kapitan namin kung sinong tumaga, pa-traidor na tinaga,” sabi ni Nuguid.
Sinabi ng chief of police na kasong murder ang inihahanda nila laban sa suspek na pansamantalang nakapiit sa Bagac municipal jail. Tumanggi itong sumagot sa mga tanong.