SAMAL, Bataan — Patuloy ang pag-aani ng palay sa maraming bahagi ng Bataan tulad sa bayang ito ngayong Biyernes, at katulad ng nakalipas na mga anihan, sementadong kalsada ang bilaran ng palay.
Buong lane ng kalsada ang nilatagan ng palay kaya nadadaanan at nagugulungan ito ng lahat ng klase ng sasakyan.
“Walang mapagbilarang iba kundi dito na matindi ang init,” sagot ni Mercy Gano, asawa ng isang magsasaka, sa tanong kung bakit sa kalsada sila nagpapabilad ng palay.
Kung sa mechanical drier daw sila magpapatuyo ng palay, kailangang magbayad sila ng P80 bawat kaban samantalang kung sa kalsada ay P30 lamang.
“Walang bilaran,” sagot din ng magsasakang si Armando Buan na nakabantay sa binibilad niyang palay.
Sariwang-sariwa umano ang palay niya dahil tatlong araw nang naani bago maibilad.
Namumurahan si Buan sa kasalukuyang presyo ng palay na P12 daw ang kilo ng hindi tuyong palay. “Sabi ang tuyo raw na palay ay P17 ang kilo pero wala namang namimili.”
“Mahirap magbenta sa NFA, kapag na-reject doble pamasahe,” sagot ni Buan sa tanong kung bakit hindi siya sa National Food Authority magbenta ng palay.
Ang presyo ng maganda ang pagkatuyong palay sa NFA ay P19 ang bawat kilo ngunit kailangang dalhin ng magsasaka ang palay sa warehouse kaya siya ang gagastos sa sasakyan at sa mga taong magbubuhat ng palay.