Sa kasagsagan ng ulan, umalagwa ang apoy sa pamilihang bayan ng Masinloc.
MASINLOC, Zambales –– Tinupok ng apoy ang isang bahagi ng pamilihang bayan ng Masinloc madaling araw ng Lunes.
Ayon sa mga nakasaksi, bandang alas 12:45 ng madaling araw nang sumiklab ang apoy kasunod ng malakas na kalabog ng yero sa loob ng palengke at doon napag–alaman na kalahati ng meat at dry goods section ng pamilihang bayan ay nilalamon na ng apoy.
Ayon kay municipal administrator Glen Elayda, batay sa salaysay ng guwardya ng pamilihang bayan, nagsimula ang apoy sa gitnang bahagi ng Market 2 sa puwesto na pagmamay-ari ng isang nagngangalang Eric Gonzales.
Kaagad na rumesponde ang Masinloc Fire Brigade, subalit mabilis na kumalat ang apoy sa kalapit na tindahan habang nasa kalakasan ang pagbuhos ng ulan sa mga sandaling iyon.
Kaugnay nito, nagpulong na ang lokal na pamahalaan upang alamin kung magkanong halaga ang pinsala ng sunog.