Ang pamimigay ng food pack sa mga bata. Kuha ni Ernie Esconde
SAMAL, Bataan — Nakiisa ang pamahalaang bayan dito sa libreng pagpapakain ng mga bata kasabay ng programang 10.10.10K ng Gawad Kalinga sa buong bansa ngayong Sabado.
Pinangunahan ni Mayor Aida Macalinao ang pamimigay ng food pack na naglalaman ng kanin, nilagang itlog at fried chicken na may kasamang bottled water.
Sabay-sabay, iksaktong alas-10 ng umaga, ang pamimigay ng food pack sa 50 bata na lima hanggang siyam na taong gulang sa bawat isa sa 14 na barangay ng Samal.
Tuwang-tuwa ang mga bata sa Barangay Santa Lucia sa food pack.
Ang 10.10.10K program ay isang proyekto ng Gawad Kalinga na sabayang pagpapakain ng 10,000 libong kabataan sa buong bansa.
“Layunin ng aktibidad na ito na magbigay kamulatan sa mga paraan upang tayo ay makatulong sa pagpuksa ng gutom at malnutrisyon ng mga kabataan,” sabi ni Macalinao.
“Hunger Warriors unite upang wakasan ang kagutuman,” pahayag ng streamer ng Gawad Kalinga.