Ang ilan sa mga nasamsam na pekeng Chinese Medicines habang ini-imbentaryo ng FDA. Kuha ni Rommel Ramos
CLARK FREEPORT — Nakumpiska ng Food and Drug Administration at National Bureau of Investigation Regional Office 3 sa isang condominium dito ang nasa P2.5 milyong halaga ng mga pekeng Chinese medicines kasama ang umano’y ginagamit na lunas kontra Covid-19 at HIV.
Sa bisa ng search warrant ay sinalakay ng FDA at NBI nitong Miyerkules ang isang condo unit at tumambad sa kanila ang mga hindi rehistradong gamot na pawang may label na Chinese characters.
Naaresto dito ang magkasintahang sina John Michael, 24, isang Indonesian, at Xia Ci, 33, isang Chinese.
Ayon kay Marvin De Jemil, NBI Region 3 executive officer for operation, nakatanggap sila ng impormasyon na may iligal na distribusyon at pagbebenta ng mga hindi rehistradong gamot sa loob ng Clark Freeport Zone.
Dahil dito ay sinalakay nila ang lugar at dinatnan dito ang magkasintahang Indonesian at Chinese national.
Ayon naman kay Gomel Gabuna, FDA Region 3 chief, ang nakuhang mga pekeng Chinese medicines na umano’y ginagamit na panggamot laban sa Covid-19 at HIV ay maaring ikapahamak o ikamatay ng sinomang gagamit nito.
Dagdag ni Gabuna, may mga oral at injectables na pekeng gamot kontra Covid-19 na nagkakahalaga ng P11,000 kada isa.
Hinala niya na pawang mga Chinese nationals din angmga customers ng dalawang naaresto.
Pinalalahan niya ang publiko na kung may alam sila na mga nagbebeta ng mga iligal at hindi mga rehistradong gamot ay agad na ipagbigay alam sa mga otoridad.
Depensa naman ng mga suspect, kakaupa lamang nila sa nasabing condo unit at hindi kanila ang mga gamot na naroon.
Samantala, patuloy pa ang imbentaryo ng FDA sa mga pekeng Chinese medicines at nasa kustodiya naman ng NBI ang dalawang suspek habang inihahanda ang kaukulang kaso laban sa kanila.