TOTAL ‘revamp’ na ang dapat ipairal
para sa lahat na ng kasalukuyang
opisyal sa Kagawaran ng Kalusugan,
na mga pabaya sa tungkuling tangan.
Partikular itong pambansang kalihim
Ng ahensyang itong na ayaw sipain
ni Pangulong Digong sanhi ng marahil,
(kay Duque) malaki ang tiwala pa rin.
Ito’y sa kabila r’yan ng sangkaterbang
problema na hindi mabigyan ng tamang,
solusyon, tulad ng Philhealth at iba pang
nakapailalim sa kanyang katungkulan.
Na hayan, malinaw na ngang pandarambong
sa kaban ng bayan ang ginawa nitong
‘high ranking official’ ay tanging ‘suspension’
lang ang parusa at hindi pagkakulong?
Paano titino ang taong gobyerno,
partikular ang karaniwang empleado,
kung ang ‘chief of office’ nila ay siya mismo
ang pasimuno sa gawaing di wasto?
Ang kawalan din ng mga malasakit
sa ‘stock’ na gamot ang sanhi kung bakit
sangkaterba itong madalas ma-‘expired’
pagkat ya’y pabaya sa ‘official duties’.
Kamahal ng gamot ay nasasayang lang
ng dahil na rin nga kapabayaan
at kawalan pati nila riyan ng tunay
na pagkamatapat sa’ting Inangbayan.
O, ito ay sanhi ng pagkadayukdok
sa salapi nitong sa poder naluklok,
kaya nang mawili sa pangungurakot,
tungkulin ang napabayaan ng lubos.
At kung saan basta mapagkakitaan,
gaya nitong kahit di lubhang kailangan
na klase ng gamot ay inaangkat n’yan
para kumita ng milyon ang mga yan?
Kagaya na lamang ng napabalita
nitong Martes, na kung saan nabisto nga
ang ‘expired’ na gamot diyan sa ginawa
na imbentaryo r’yan ng COA, nang bigla.
Na ‘billions of pesos’ ang halaga nitong
gamot na di na ‘safe for human consumption,’
kaya basta na lang din yan itatapon
sa basurahan ng anak ng tipaklong?
Ito ay matagal nang pinaggagawa
ng taga DOH dangan nga lang wala
ni isa ang nakaisip isumbong nga
ang sa tanggapang ‘yan ay mga himala.
Kaya kung tunay ngang galit si Pangulo
sa mga corrupt at likas na ‘dorobo,’
sibakin si Duque’t kanyang kaalyado,
na mapatunayang taksil sa estado.
At ipakulong ang mga nagkasala
ng pagsabotahe sa ‘ting ekonomya,
sukdang sa BuCor na mag-‘ending’ kumbaga
ang buhay ng mga walang kaluluwa!