LUNGSOD NG BALANGA — Tatlo ang bagong naitalang namatay sa coronavirus disease sa Bataan na ang kabuuang bilang ay umabot na sa 41, sabi ni Gov. Albert Garcia ngayong Sabado.
Ang mga nasawi ay pawang lalaki na ang isa ay 66-anyos sa Limay, 65-anyos na taga-Mariveles, at 45-anyos mula sa Orion.
Ang bilang ng kumpirmadong kaso sa Covid–19 ay umabot na sa 2,344 nang magtala ng 23 bagong nagpositibo sa virus na ang 15 ay mula sa Mariveles kabilang ang isang health worker, lima sa Balanga City kabilang ang dalawang health worker, at tig-iisa sa Orion, Orani, at Limay.
Sinabi ng provincial health office na may 473 aktibong kaso o mga pasyenteng hindi pa gumagaling sa Covid-19.
Umakyat naman sa 1,830 ang mga nakarekober na matapos magkaroon ng 40 bagong gumaling na kinabibilangan ng tig-16 mula sa Mariveles at Limay, apat sa Orion, at tig-iisa sa Orani, Hermosa, Dinalupihan, at Balanga City.
Mula sa 22,053 na sumailalim na sa Covid-19 test, 19,371 ang nagnegatibo na samantalang 338 ang naghihintay pa ng resulta.
Sinabi ng governor na bagama’t nabanggit niya na halos bumaba na sa 50 porsiyento ang kaso ng virus sa Bataan kumpara sa nakaraang linggo, ipinayo niya sa mga kababayan na huwag maging kampante at sa halip ay patuloy sundin ang mga safety protocol.