Ang ilang mananakay na maagang nagpunta sa Victory Liner bus terminal sa pag-aakalang makakaluwas sila pa-Maynila sa pagsisimula ng provincial bus operation. Kuha ni Rommel Ramos
LUNGSOD NG SAN FERNANDO — Sa kabila ng anunsyo ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board na simula Sept. 30 ay balik na sa operasyon ang mga provincial bus paluwas at pabalik ng Maynila, ay wala pang byahe ang Victory Liner at First North Luzon Transit dito sa lungsod na ito.
Umaga pa lang ng Miyerkukes ay may mga pasahero nang nagsipagtungo sa nasabing mga bus terminal ngunit wala silang nasakyan.
Ayon sa ibinigay na impormasyon ng pamunuan ng Victory Liner ay Oct. 1 pa sila magbabalik sa operasyon.
Anila ang pagkuha ng ticket ay sa pamamagitan ng online booking dahil walang mabibiling ticket sa terminal.
Samantalang wala pang nakuhang abiso sa pamunuan ng First North Luzon Transit kung kailan sila magbabalik sa operasyon.
Nabatid na 11 unit ng Victory Liner at tatlong unit naman ng First North Luzon Transit ang pinayagan ng LTFRB na makabalik sa operasyon paluwas at pabalik ng Maynila.