Gov. Albert Garcia at provincial health officer Dr. Rosanna Buccahan. Kuha ni Ernie Esconde
MARIVELES, Bataan — Apat na barangay dito ang kauna-unahang tumanggap ng parangal at insentibong P25,000 bawat isa dahil sa pagsusumigasig na mapanatiling zero coronavirus disease o mapababa ng 20 percent ang mga kaso ng Covid-19 sa kanilang lugar.
Sinabi ni Gov. Albert Garcia ngayong Martes na ang parangal at insentibo ay nasa ilalim ng programa ng 1Bataan Seal of Covid-free Barangay na inilunsad kamakailan. Ito, aniya, ay halaw sa programang 1Bataan Seal of Healthy Barangay.
“Isinasagawa ito ngayon bilang pagkilala sa kabayanihan, kasipagan at sakripisyo ng mga bumubuo ng barangay health emergency teams (BHERTs), rural health unit (RHU), at local contact-tracing teams (LCTTs) na tunay na nagpupunyaging magpatupad ng mga alituntunin sa pamayanan upang ganap na mapababa ang antas at bilang ng pagkakahawa-hawa sa barangay,” sabi ng governor.
Ang mga kasapi ng BHERTs, RHU at LCTTs ang maghahati-hati sa cash incentive na P25,000.
Tumanggap ng gantimpala ang Barangay Biaan dahil sa napanatili nitong zero ang kanilang Covid situation simula ika-1 hanggang ika-15 ng Setyembre kumpara sa naunang 15 araw.
Nabiyayaan din ang mga barangay Balon Anito, Sisiman, at San Carlos dahil napababa ng mga ito ng 20 porsiyento at mahigit pa ang mga kaso ng Covid–19 sa pareho ring 15 araw.
Pinamumunuan ni Dr. Rosanna Buccahan, provincial health office chief, ang pamimili sa mga barangay na tuloy-tuloy na gagawin tuwing 15 araw hanggang maging zero Covid cases ang lahat ng 237 barangay sa Bataan.
Ayon kay Garcia, unang ibinaba sa Mariveles ang programa dahil sa nakababahalang bilang ng mga nagpositibo sa virus sa nasabing bayan.
“Ipinaabot ko ang pagbati sa mga frontliners ng mga barangay na pinamumunuan nina kapitan George Legaspi ng Balon Anito, kapitan Honesto Cabanillas ng Sisiman, kapitan Jester Ivan Ricafrente ng San Carlos at kapitan Rodelio Gutierrez ng Biaan,” sabi ng governor.