Home Opinion Husay sa serbisyong pambayan, paligsahan?

Husay sa serbisyong pambayan, paligsahan?

949
0
SHARE

KUNG ang gitarista at ang mang-aawit
di magkademyado ang tugtog at birit,
anong maasahan nating maririnig
kundi ng musikang sa taynga masakit?

Ganyan ang katulad ng ngayo’y tambalan
ng Mayor at V.M. sa pamahalaang
bayan na karatig sa parteng Silangan
nitong San Luis at Minalin sa Kanluran.

Na sapol maupo bilang Ama’t Ina
sa iisang bubong, sila ay hindi na
nakitaan ng kanilang kapamilya ,
ng may ngiti yan sa labi kung magkita?

Kakampi ni Inay, masunuring anak
at si Itay, itong sa Ina, salungat;
kung kaya marahil ay napakabigat
na dalain ‘yan sa iba pang kaanak.

May bagong gusali nang pinasimulan
ang konstruksyon, pero nahintong tuluyan
nang itong isa ay mas minabuti niyang
ang dating gusali na lang ang dugtungan.

Dulot nito imbes yata makatipid,
sanhi ng pagkuha sa bangko ng ‘fi ve-six’
ni Mayor ng di lang tres syentos milyones,
natural lamang na may mamuhong init.

Lalo pa’t para bang hinarang siyang kusa
ni Sir sa dapat ay itinuloy na nga
na ‘one stop shop’ ni Mam, naisantabing bigla,
‘in a much better place’ na ligtas sa baha.

Na pinahinto nga ni mayor at siya
itong sa ‘McArthur Hiway’ nagpropasa
na dugtungan na lang ang dating gawa na,
gayong bahain d’yan at ito’y batid niya.

At kung kailan pa r’yan kasagsagan nitong
pandemya, saka n’yan isinabay itong
pagpapagawa r’yan ng kwenta ‘extension’
ng ‘has just recently renovated town’s hall’.

Di paligsahan ng magkabilang kampo
o pagpapakita nila r’yan kung sino
ang higit mahusay humawak sa setro
at korona kumbaga sa isang Reyno?

At kung alin ang mas makapagbibigay
ng serbisyong tapat at handang pumasan
sa lahat na nga ng problemang pambayan
ang siyang sa susunod marapat ihalal?

Mas makabubuting magpartner pa muna
si Mayor at V.M. at mga kasangga
para sa ikabubuti ng lahat na,
hanggang sa ‘next poll’ kung gugustuhin nila.

Kaysa ngayon pa lang ay magbabatuhan
na sila ng mga di magandang bagay,
na di ikarangal sa harap ng bayan
kundi ng puna at grabeng kapintasan.

At imbes sila ay hangaan ng madla
sa pagiging honorable at dakila,
ang posibleng kamtin n’yan ay upasala,
kapag nagpatangay sa maling akala!

Sa puntong ito ay di tinuturuan
sila ni ‘yours truly’ kundi ‘reminder’ lang,
na ang epektibong serbisyong pambayan,
sa totoo lang ay parang paligsahan!

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here