Pasinaya at pagbi-bendisyon sa mga bagong sasakyan ng MDRRMO sa bayan ng Jaen nitong Biyernes. Kuha ni Armand M. Galang
JAEN, Nueva Ecija – Dalawang ambulansya, isang rescue vehicle at isang truck ang ipinundar ng pamahalaang bayan upang palakasin pa ang pagtugon sa hamon ng Covid-19 sa bayang ito.
Ang mga sasakyan ay magiging karagdagan sa mgakagamitan ng municipal disaster risk reduction and management office, ayon kay Mayor Sylvia Austria.
Nitong Biyernes ay binindesyunan ang mga bagong behikulo at ito’y dinaluhan nina Austria at mga opisyalmula sa sangguniang bayan.
Ayon sa alkalde, ang ipinambili sa mga sasakyan ay mula sa five percent calamity fund at general fund ng munisipyo.
“Kailangan ito lalo na ngayong may pandemic,” ani Austria.
Bukod sa mga equipment, nagpupundar din aniya sila ng lupa para sa iba pang pasilidad.
Patuloy naman ang panawagan ni Austria sa kanyang mga kababayan na palaging sundin ang minimum health standards upang mabawasan ang pagkalat ng coronavirus disease.
“Maging mahinahon, manatili sa inyong mga bahay, at huwag lumabas kung hindi kinakailangan,” paalala ng lady mayor.