Ipinapakita ni Alicia Rosas Tejada ang mga buto ng alagaw. Kuha ni Ernie Esconde
PILAR, Bataan — Nanawagan nitong Martes sa Pangulong Duterte ang isang faith healer dito na tingnan ang buto ng alagaw bilang mabisang gamot sa coronavirus disease na aniya’y subok na niya at ipinabatid sa kanya ng Panginoong Hesukristo.
Ayon kay Alicia Rosas Tejada, 66, ng Barangay Diwa, ang buto na tinatawag niyang itlog ng alagaw na berde ang kulay ay pwedeng gawing tabletas, capsule, injection, at maaaring maging vaccine.
“Ang gusto ko lang ay maparating sa kagalang-galang na Pangulo ang makatulong kami, makatulong ako sa kanila at makatulong naman sila sa kalahatan para ang epidemya na yan ay masugpo,” sabi ng faith healer.
Sinabi ni Tejada na siya’y nabahala noong dumating ang epidemya sa bansa at napakarami ng namamatay mapa-bata at matanda at hanggang ibang bansa at kabuuan ng mundo ay apektado na.
Nakipag–usap umano siya sa Panginoong Diyos, nakipagtipan at nagriritwal siya gabi-gabi na ibinibigay niya ang mga problema ng tao, ibinabahagi at ipinararating niya ang mga problema ng mga may sakit.
“Ang mga dumarating dito, yong mga ginagamot kung bibigyan ninyo ng kagalingan pagalingin niyo na at kung iyan naman ay kukunin niyo, huwag niyo ng paghirapin. Ngayon kung bata pa at hindi pa nakakausap ang mundo, bubuhayin niyo din lamang ay ibigay niyo na ang buhay niya at huwag ng paghirapin,” samo raw niya sa Panginoon.
Patuloy, aniya, ang kanyang pagrorosaryo. Nakikiusap daw siya sa Panginoon na kahit wala siyang karapatan na siya ay magwawalis dahil napakarami ng nakakalimot at tumatalikod sa Diyos, na hinayaan at ang paniniwala sa Panginoon ay itinabi at walang kinilala.
Humiling daw siya sa Panginoon ng ilulunas sa epidemya ngunit hindi siya sinagot ng dalawang arawkaya patuloy siyang nagritwal at sa pangatlong beses ay sinagot na siya.
“Anak, hindi kita matanggihan. Bago ako sumagot sa iyo ay pinag–usapan muna namin kung ibibigay nga at magbibigay nga. Pagbibigyan kita, bibigyan kita,” sabi raw ng Panginoong Hesuskristo sa kanya.
Ang binabanggit niyang nag-usap na nagbigay ng kaalaman niya sa panggagamot ay ang Panginoong Diyos, Panginoong Hesukristo, at Mahal na Birhen.
Noong oras daw ding iyon, inilagay ng Panginoon sa palad niya na kinilala niyang bunga ng alagaw. “Oo alagaw yan, itlog ng alagaw. Iyan ang pwede mong ihatol at igamot sa mga magko-Covid-19 at may Covid-19,” sabi raw ng Panginoon sa kanya.
Dahil may pangakong pabuya si Pangulong Duterte sa makakahanap ng gamot sa virus, sinabi ni Tejada na hindi siya magpapabayad. “Hindi po! Hindi po ako nagpapabayad. Hindi ko kailangan ng pera, ang kailangan ko yong makatulong sa lahat.”
Ipinaliwanag ng faith healer kung paano ang tamang pagtitimpla ng alagaw tea na kapag grabe raw ang sakit ay pwedeng inumin ng tatlong beses sa isang araw at kung pagaling naman ay isang beses na lamang.
Kahit umano sa ulcer, masakit ang dibdib, ma-plema, pneumonia, bronchopneumonia, bronchitis ay napakagaling ng bunga ng alagaw. Ima–mash lamang daw ang isang kutsara nito para kumatas at iinumin.
Kapag grabe, ang tatlong dakot ng buto ay sa limang litro ng tubig pakukuluin at kung mild lang o normal, ang isang dakot ay sa tatlong litro lamang ng tubig papakuluin, sabi ni Tejada.
Napatotohanan na raw niya na ito ay talagang nakakagamot sa Covid–19 nang may ilang tao nang nagpunta sa kanya at nagpagamot.
“Ikukubli ko lamang ang kanilang pangalan para mapangalagaan ang kanilang barangay pero meron na, yan ay naglalaro sa limang tao at grabe yung isa, talagang isang linggo na niyang nararamdaman ang sakit,” sabi ng faith healer.
Nagpatingin na daw ito sa health center at nabigyan na ng gamot pero hindi pa rin gumaling kaya nagpunta na ang may sakit sa kanya, na nang pinulsuhan niya ay iba na ang tibok ng puso at iba na ang paghinga.
“Nahihirapan siyang huminga, masakit ang dibdib, masakit ang lalamunan, may lagnat siya at masakit na masakit ang ulo, hindi siya nakakatulog at nanghihina na siya at ang No. 1, talagang nanlalambot, nawawala ang lakas,” ani Tejada.
Hindi raw niya pinapasok agad sa gate ang pasyente at ipinahanda muna niya ang tawasan.
“Naka-face mask siya, naka-face mask din naman ako. Sabi ko tingnan mo ang nakasulat sa tawas mo, Covid-19 positive. Yan ang maganda sa tawas, ibinibigay ang detalye. Kapag naman na overdose sa gamot ang nakalagay, overdose medicine.”
Pinakuha raw niya ng buto ng alagaw ang asawa ng lalaki at pinagbilinan kung ano ang gagawin. Ilang araw lamang, aniya, ay magaling na ang pasyente.
Bata pa lamang daw si Tejada ay ibinibigay na sa kanya ang gift of healing ngunit tinanggap lamang niya ito noong 1973 mula sa Panginoong Hesukristo na nagpakita sa kanya at pinangaralan siya.
Pinangaralan umano siya tungkol sa buhay ng tao, mga tao, paano ang mamuhay, paano ba ang buhay.
Sinabi ni Tejada na iba-ibang klase ng may sakit ang nagpupunta sa kanya para magpagamot at lahat ito ay may lapat. Ang hindi lamang niya raw makakaya ay ang ooperahan ang buntis at iba pang operasyon.
Marami na rin daw na taga-ibang bansa tulad ng mula sa Germany at Denmark ang nagpagamot sa kanya.
“Hindi ako nagpapabayad sa ginagamot ko,” sabi ni Tejada.