Ang suspek sa pagpatay sa mag-ina habang nasa himpilan ng pulisya. Kuha ni Rommel Ramos
HAGONOY, Bulacan — Arestado ang lalaking nasa likod ng pagpatay sa mag-inang natagpuang naaagnas na ang katawan sa Barangay Mercado nitong nakaraang Biyernes
Ang suspek na nakilalang si Albert Aguinaldo alyas Bentong, 20, ay naaresto nitong Linggo matapos nitong pagbantaan ang isa sa kaanak ng mga biktima na sina Carmelita Tungol, 69, at Mary Grace Tungol, 43.
Ayon sa suspek, nakaalitan niya si Mary Grace dahil tinanggal nito ang kable ng kuryente na naka–jumper sa bahay ng mag-ina.
Doon na nagkaroon ng pagtatalo ang suspek at si Mary Grace na kalauna’y pinagbantaan ni Aguinaldo na kanyang papatayin.
Ani Aguinaldo, Lunes ng madaling araw nang pasukin nito ang bahay ng mga biktima upang magnakaw lamang sana.
Ngunit nagising aniya si Mary Grace at nang makita siya ay nanlaban ito kaya agad nitong inundayan ng saksak.
Matapos saksakin si Mary Grace ay iniwan nya itong nakabulagta sa sahig at pumunta sa kwarto ni Carmelita.
Habang aniya siya ay naghahalungkat sa cabinet ay nagising si Carmelta na agad din nyang sinaksak
Umalis ang suspek at iniwan nito ang dalawang biktimang duguan na kalauna’y binawiin din ng buhay.
Ayon sa forensic report, nagtamo ng tig-dalawang saksak sa dibdib ang dalawang biktima na naging sanhi ng kanilang pagkamatay.
Ayon naman kay Hagonoy OIC police chief Capt. Mark Anthony Tiongson, binati lamang ng bunsong kapatid ni Carmelita ang suspek at tinanong kung saan ito pupunta at nagbanta na ang suspek sa kapatid ng biktima na isusunod niya ito sa mag-ina.
Agad na inireport ng kaanak ng mga biktima ang pangyayari sa barangay at dinala si Aguinaldo sa Hagonoy police. Dito na nagawang umamin at idetalye ng suspek ang nagawang krimen
Makikita na may sugat ang suspek sa mga kamay nito senyales na nanlaban ang mga biktima. Na–recover din sa suspek ang kutsilyo na ginamit sa pagpatay.
Kasalukuyan ang suspek ay nasa kustodiya ng Hagonoy police na nahaharap sa kasong two counts of murder.