LUNGSOD NG BALANGA — Patuloy na tumataas ang bilang ng mga kaso ng coronavirus disease sa Bataan na umabot na sa 523 matapos ang 19 na nadagdag, ayon sa ulat ni Gov. Albert Garcia ngayong Huwebes.
Lumabas sa contact tracing na siyam sa mga bagong kumpirmadong kaso ay nagkaroon ng close contact sa mga nauna nang nagpositibo sa Covid-19.
Ang mga nahawa ay lima mula sa Dinalupihan, at tig-iisa mula sa Orani, Abucay, Limay at Mariveles.
Tatlo naman sa mga nagpositibo ay pawang mga locally stranded individuals na umuwi sa Bataan na kinabibilangan ng tatlong lalaki mula sa Limay.
Ang iba pa sa mga kumpirmadong kaso ay tig-iisa mula sa Limay, Orani, Abucay, Morong, Balanga City, Samal, at Bagac. Ang mula sa Samal ay isang overseas Filipino worker samantalang ang sa Bagac ay may travel history sa Manila.
Ang bilang ng aktibong kaso ay umakyat sa 188 habang nananatiling 15 ang pumanaw na.
Samantala, sa ulat ng provincial health office Miyerkules ng gabi, walo ang bagong nakarekober sa mapanganib na virus kaya tumaas na sa 320 ang lahat ng mga gumaling na.
Ang lima ay mula sa Limay, dalawa sa Abucay, at isa mula sa Balanga City.
Patuloy ang paalaala ng governor na mag-ingat at sundin ang lahat ng safety protocol upang hindi patuloy na dumami ang mga kaso ng Covid-19 sa Bataan.
Sinabi ni Garcia na ang Covid-19 ay posibleng makuha sa bawat lugar na ating pinupuntahan at sa bawat aktibidad na ating ginagawa. Palagi aniyang tandaan na ang banta ng virus ay palaging nakaumang sa loob o labas man ng tahanan.
“Kung mamimili sa mga supermarket, mas mainam na ilista agad ang bibilhin upang hindi na mas tumagal ang exposure natin sa labas at iwasan natin ang pagpunta sa mga lugar na madalas ay maraming tao,” sabi ng governor.
“Mas mainam na siguruhin na ang mga pupuntahan ay may maayos na sirkulasyon ng hangin at hindi tayo magtatagal kung saan man tayo magpupunta,” dagdag paalaala ni Garcia.