LUNGSOD NG BALANGA — Patuloy ang pagtaas ng mga kumpirmadong kaso ng coronavirus disease sa Bataan na sa ulat ni Gov. Albert Garcia ngayong Lunes ay umakyat na sa 495 ang kabuuang bilang.
Sa pinakahuling ulat ng provincial health office, anim ang nadagdag sa listahan ng mga nagpositibo sa nakakatakot na virus.
Sinabi ng governor na lumabas sa contact tracing na dalawa sa mga ito ang nagkaroon ng close contact sa nauna nang nagpositibo sa Covid-19. Sila ay isang 58-anyos na babae mula sa Hermosa at 31-anyos na lalaki mula sa Abucay.
Ang iba pa sa mga bagong kumpirmadong kaso ay isang 33-anyos na babaeng health worker mula sa Balanga City, 53-anyos na lalaki mula sa Mariveles, 83-anyos na lalaki mula sa Dinalupihan, at 70-anyos na babae mula sa Orani na in-patient sa isang ospital sa Bataan.
Samantala, ayon sa PHO, umakyat sa 294 ang nakarekober na matapos gumaling ang isang 33-anyos na lalaking health worker mula sa Abucay at 31-anyos na babaeng overseas Filipino worker mula sa Mariveles.
Ang bilang ng mga aktibong kaso o ang hindi pa gumagaling sa Covid-19 ay 188 at nananatiling 13 ang pumanaw na.
May 9,433 ang umano’y sumailalim na sa pagsusuri naang 8,526 ay nagnegatibo na at 412 ang naghihintay pa ng resulta.
Panay ang paalaala ni Garcia na sundin ang mga itinakdang safety protocol dahil patuloy sa pagtaas ang mga kaso ng Covid-19 sa Bataan.