Home Opinion ‘Aside from being underpaid, they are not spared of their human rights’

‘Aside from being underpaid, they are not spared of their human rights’

662
0
SHARE

LANHIN mang isipin at pakasuriin
ang ikinainis ng Pangulo natin
sa mga ‘frontliners,’ sanhi lang ng hiling
nilang ang ECQ muling pairalin;

Dahilan na rin sa imbes ay lumiit
ang bilang ng mga nagiging ‘positive’
sa ‘virus’ nitong kung tawagin ay Covid-
19, na napaka-lubhang mapanganib.

At ang tanging nga lang na makapipigil
ay ang kahilingan ng ‘frontliners’ nating
sagad na sa pagod, puyat at di na rin
ligtas sa sakit na naminsala sa atin.

Kung saan marami ng narses at doktor
ang nahawa pero sila ay patuloy
sa paglaban sukdang ikasawi nitong
ilan sa mga ‘yan, pero di umurong.

At ngayong sila ay suko na talaga
sa matinding hirap at hilingin nila
ang pagpapatupad ng ECQ ‘yan ba,
na kung di ibalik, di na nila kaya?

Ya’y maituturing na pagbangon laban
sa administrayon  itong naisipan
idulog na napakasimpleng bagay lang,
ikinairita na ng Malakanyang?

Ito ba ay isang uri ng pagsuwag
nitong sagad na nga sa matinding hirap,
at ginawa lang ang matuwid at sukat,
akusahan na ng bagay na di dapat?

Pag-alsa ba naman na maituturing
ni Pangulong Digong ang kanilang daing
na kung ang ‘enhance community quarantine’
di ibalik, puesto nila’y lilisanin?

Nang dahil lamang sa di na makayanan
kung itong mga tigasin at pasaway,
na alam nang bawal lumabas ng bahay
na di naka-‘face mask,’dinedema lamang;

Eh, ano pang nga bang silbi ng itaya
n’yan ang buhay nila’t propesyon ika nga,
kung katulad nitong binabale-wala
ng gobyerno ang kanilang pag-aruga?

Hindi n’yan sinabing mag-aalsa sila
o rebulusyon ang panawagan nila
sa’ting sambayanan kapag ang hiling na,
ECQ – ay hindi irekonsidera!

Dala lang ng pagiging balat sibuyas
ng Malakanyang ang akala’y pag-aklas
siguro itong binitiwang pahayag
n’yan na ‘under paid’na, sa sakit di ligtas ?

Na hayan, sila pa itong napasama
sa hiling nila na ibalik nang kusa
ni Digong ang ECQ sa buong bansa,
at kung hindi, anong kanilang winika?

‘Time out’ ang  sinabi’t tanging kahilingan,
na kung di ibalik ang ECQ, di n’yan
kailan man mapigil ang grabeng hawaan,
may maibutas na itong Malakanyang?

Na ideklara na itong nilulutong
umano ay batas militar ng grupong
kaalyado yata ng administrasyon
base sa’ting napagkikita sa ngayon.

Kung saan sa bibig mismo ng Pangulo
malimit, (bagama’t tila di seryoso)
marinig ang ganyang animo’y anunsyo
na ng ‘martial law’ ang tunog sa ibang tao!

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here