LUNGSOD NG BALANGA — Batay sa ulat ni Gov. Albert Garcia ngayong Linggo, isang sanggol ang kabilang sa siyam na bagong nakarekober sa coronavirus disease sa Bataan kaya umakyat sa 292 ang bilang ng gumaling na sa mapanganib na virus.
Pumalo naman sa 489 ang kabuuang bilang ng mga kumpirmadong kaso matapos magpositibo ang siyam na pasyente.
Ayon sa report ng provincial health office, isang 16–araw na gulang na lalaking sanggol mula sa Abucay ang gumaling sa Covid-19.
Ang kasamahan nitong nakarekober ay isang 37-anyos na lalaki, 36-anyos na babae at 29-anyos na babae, lahat mula sa Dinalupihan; 52-anyos na lalaki at 21-anyos na babae, kapwa mula sa Limay; 44-anyos na lalaki mula sa Mariveles, 39-anyos na lalaki mula sa Orani, at 31-anyos na lalaki mula sa Balanga City.
Lumabas sa contact tracing, sabi ng PHO, na pito sa mga bagong kumpirmadong kaso ay nagkaroon ng close contact sa mga nauna nang nagpositibo sa Covid-19.
Sila ay dalawang 16-anyos na lalaki, 34-anyos na lalaki, at 32-anyos na babae, lahat mula sa Mariveles; 33-anyos na lalaki at 31-anyos na babae, parehong mula sa Dinalupihan; at 41-anyos na babae mula sa Samal.
Ang iba pa sa kumpirmadong kaso ay isang 35-anyos at 42-anyos na babae, kapwa mula Mariveles.
Ang bilang ng aktibong kaso ay 184 at nananatiling 13 ang pumanaw na.
Sinabi ng PHO na 8,353 ang nagnegatibo at 493 ang naghihintay pa ng resulta mula sa 9,335 na sumailalim sa Covid-19 test.
“Upang hindi na dumami ang kaso ng Covid-19, patuloy ang ating tagubilin na palaging maghugas ng kamay, manatili sa inyong mga tahanan at kung kinakailangang lumabas ng bahay ay umiwas sa mga mataong lugar, magsuot ng face mask at mag–observe ng physical distancing na isang metro,” sabi ni Garcia.