Home Opinion Katigasan ng ulo, likas sa Pilipino

Katigasan ng ulo, likas sa Pilipino

1386
0
SHARE

KUNG ganitong imbes lumiit ang bilang
ng positibo sa Covid-19, ilang
libo pang sobra ang tigas ng ulo r’yan
ang sa ‘virus’ nito puedeng mahawaan?

At kung araw-araw ay patuloy pa rin
itong pagdami r’yan ng mga nagiging
biktima ng ganyang sakit dito sa’tin,
ano ang maaring kahantungan natin?

Ngayong batid na ng lahat ang panganib
nitong mahawaan ng pandemyang sakit,
pero patuloy ang sa alak ay adik
at daldalera sa paglako ng tsismis.

Kung saan ang ‘social distancing,’ malayong
maipairal at maipatupad ngayong
pati na rin mismo si Pangulong Digong
mahirap  masakyan ang iba niyang aksyon.

Di na kakaunti sa alin pa mang lugar
itong ika nga ay makainom lang yan,
alukin at hindi, diskarte ng ilan
kunwari, si pare ang hinahanap n’yan.

Na kagaya r’yan ng ilang labas-masok
sa aking solar na bagama’t may bakod,
di alintana r’yan ng ilang kapurok
ang mahawaan ang daratnan sa loob.

Di bale sana kung sila lang kumbaga,
ang kapag na- infect’ tiyak magdurusa,
kaso pati na rin kapitbahay nila
damay, sakali’t yan mga ‘carriers’ na.

Isentro natin  sa kung paano natin
makuhang iwasan itong Covid-19
sa pagtaliman sa nararapat gawin,
bago pa tayo n’yan makuhang dagitin.

Manawagan tayo sa ‘ting kabarangay,
mga kababayan at kalalawigan,
na hangga’t maari kung tayo ay walang
mahalagang lakad, pumirmi sa bahay.

At itong sinumang sa lugar magawi
na walang ‘facemask’ at iba pa r’yang uri,
na maipantakip atasang umuwi,
upang di dakpin ng pulis kung sakali.

Gayon din naman ang mga nagtitinda
na di naka-‘facemask’ ay iwasan sila,
sapagkat kapag nag-‘positive’ ang isa,
damay ang lahat ng maka-harap nila.

Iyan lang ang tangi’t mabisang paraan
upang ang pandemya ating malabanan,
kaya’t kung magawa natin ang huwag munang
lumabas, yan wala na ring makapitan.

At hindi lang tayo itong maliligtas
diyan sa ‘virus’ na lubhang makamandag,
kundi pati itong pasaway sa dapat
sumunod sa ating panuntunang batas.

(Maawa tayo sa ating kapamilya,
sa sarili, lalo sa batang musmos pa,
na madaling makapitan ng pandemya
kapag hindi natin tinutukan sila!)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here