Ipinapakita ni Chalor Howell Icban ang mga libreng gamot sa mga dialysis patient. Kuha ni Ernie Esconde
LUNGSOD NG BALANGA — Sa gitna man ng pananalanta ng coronavirus disease, hindi umano pinababayaan ang mga pasyenteng may ibang uri ng sakit sa Bataan, tulad ng mga sumasailalim sa dialysis at chemotherapy.
Ayon kay Chalor Howell Icban, special assistance program coordinator ng provincial government, ang pagtulong sa ibang may sakit bukod pa sa Covid-19 ay mahigpit na bilin nina Gov. Albert Garcia at 2nd District Rep. Jose Enrique Garcia III.
Ang isang pasyenteng sumasailalim sa dialysis ay nakakatanggap ng 12 gamot na Eposino na nagkakahalaga ng P800 ang isa at dialyzer na P2,000 o kabuuang halagang P11,600, sabi ng coordinator.
Noong panahon na hindi makabiyahe dahil sa pandemic ang dialysis patient na nangangailangan mag-dialysis dalawa o tatlong beses sa isang linggo, ang ginawa raw nila ay sila na ang nagdadala ng gamot sa bawat nangangailangan.
Umabot na raw sa 785 ang bilang ng mga pasyente sa dialysis na natulungan nila mula noong Marso lamang ng taong ito.
Aniya, ang programang ito ay tinatawag na special assistance dahil ito ay mga special cases at mga specialized hospital ang kanilang mga tinutulungan na nagsimula noon pang 2017.
Ang mga pasyente umanong tinutulungan nila ay yaong mga dinadala sa National Kidney and Transplant Institute, Philippine Heart Center, East Avenue Medical Center at iba pa sa Metro Manila, ganoon din sa Jose B. Lingad Memorial Regional Hospital sa City of San Fernando, Pampanga.
“Meron kaming data, naka–record naman lahat kasi may call center kami kung saan lahat ng tinulungan namin na pagkayaring tulungan ay tinatawagan ng call center para kamustahin kung okay na ba sila, ano ba nangyari sa tulong para hindi masayang ang tulong,”sabi ng coordinator.
“Kasi kapag tinulungan mo lang tapos hindi mo rin naman nakita kung ano ang nangyari sa pasyente parang useless ang pera ng gobyerno,” paliwanag ni Icban.
Mahigit 7,000 na umano ang kanilang mga natulungan mula nang magsimula ang programa noong 2017 hanggang 2020.
Tungkol naman sa chemotherapy, sinabi ni Icban, na marami na rin silang natulungan.
Maliban umano sa pondo ng local government sa ilalim ng provincial social welfare development office, ang specialized program ay may mga tulong din na galing sa national agencies gaya ng Department of Health, Philippine Charity Sweepstakes Office, at Department of Social Welfare and Development.
Kasama rin, aniyang, tumutulong ang mga partylist congressmen at mga senador na nalalapitan ni Gov. Garcia at Cong. Garcia partikular sina Senator Francis Tolentino, Senator Ronald Dela Rosa, at Senator Bong Go.
Sa tanong kung sino ang maaaring humingi ng tulong sa provincial government, sinabi ni Icban na “ang beneficiaries nito ay basta Bataeño ka maaari kang lumapit sa amin lalo na sa panahon ngayon ng pandemic na ang daming nawalan ng trabaho na kailangang–kailangan ng tulong.”
Hindi naman matapos–tapos ang pasasalamat ng maraming taong natulungan ng provincial government.