LUNGSOD NG BALANGA — Sa ulat ni Gov. Albert Garcia ngayong Lunes, nagtala ang Bataan ng 12 bagong kumpirmadong kaso sa coronavirus disease na kasama ang isang araw pa lamang na sanggol na lalaki.
Sinabi ng governor na batay sa ulat ng provincial health office, umakyat sa 312 ang kabuuang bilang ng mga nagpositibo kabilang ang 68 na aktibong kaso.
Tumaas naman, aniya, sa 233 ang lahat ng gumaling sa Covid-19 sa Bataan matapos may bagong maka-rekober na 12 rin.
Ang mga bagong kumpirmadong kaso ay anim sa Mariveles, tatlo sa Limay, dalawa sa Abucay, at isa sa Orion.
Ang mga ito ay 31-anyos na babaeng overseas Filipino worker, 39-anyos na babae, 44-anyos na lalaki, 22-anyos na babae, 49-anyos na lalaki, at 46-anyos na lalaki, lahat mula sa Mariveles; 52-anyos na lalaki, 21-anyos na babae, at 62-anyos na lalaki mula naman sa bayan ng Limay.
Ang iba pang kumpirmadong kaso ay isang 33-anyos na lalaking healthworker at isang araw na gulang na lalaki mula sa Abucay, at isang 40-anyos na lalaking OFW mula sa Orion.
Ang mga bagong nakarekober naman ay 35-anyos na lalaking OFW, 70-anyos na lalaki, 30-anyos na lalaki,56-anyos na lalaki, 24-anyos na babae, lahat mula sa Mariveles; 78-anyos na babae, 38-anyos na babae, at 24-anyos na lalaki mula sa Orani.
Ang iba pang gumaling sa nakakatakot na virus ay isang 32-anyos na lalaki, 19-anyos na lalaki, at 34-anyos na lalaking health worker sa Samal; at 42-anyos na lalaki mula sa Balanga City.
Nananatiling 11 ang bilang ng pumanaw na.
Mula sa 7,273 na sumailalim sa Covid-19 test, 6,719 ang nagnegatibo na samantalang 242 ang naghihintay ng resulta ng pagsusuri, sabi ng PHO.
“Sumunod tayo sa mga safety protocol upang hindi na kumalat ang virus,” palaging paalaala ng governor.