Buhol-buhol na trapiko dahil sa pagkabalik ng checkpoint sa boundary ng Olongapo at Subic. Kuha ni Johnny R. Reblando
LUNGSOD NG OLONGAPO — Muling Ibinalik ng Philippine National Police 3 ang mga checkpoints sa boundary ng Olongapo, Bataan, at Zambales.
Ito ay makaraang makapagtala ng walong aktibong kaso ng Covid-19 ang lungsod at lima naman sa Zambales.
![](https://punto.com.ph/wp-content/uploads/2020/07/4AB19250-4B53-4D8A-80F9-E17A1596811F-1024x533.jpeg)
Ayon kay Mayor Rolen Paulino Jr., ibinalik ang paghihigpit sa mga boundaries ng Olongapo para tiyaking ang mga lalabas at papasok ay mga authorized person outside residence (APOR) at mga locally stranded individuals lang na may travel pass.
Batay sa talaan ng city inter-agency task force,karamihan sa mga active cases ng Covid-19 sa Olongapo ngayon ay may travel history sa ibang probinsya at siyudad.
Hahanapan ng travel pass ang sinuman lalabas ng siyudad habang ang mga papasok ng lungsod ay kailangan magpakita ng medical certificate at travel pass kung galing sa ibang lugar.
Habang ang mga manggagawa na nagtratrabaho naman sa Olongapo at Subic Bay Freeport ay kailangan ipakita ang kanilang company ID para makadaan sa checkpoints.