HABANG katigasan ng ulo ang siyang
sa nakararami ang mangingibabaw,
liban sa kawalan ng disiplina riyan
sa anak, ng ibang pabayang magulang.
At kahit batid na nilang mapanganib
na mahawaan ng ‘virus’ nitong Covid,
imbes sa atas ng gobyerno makinig,
ang kanila pa rin itong nananaig.
Kaya saan pa ba posibleng humantong
itong gyera laban d’yan sa pandemikong
Covid-19 kundi sa mas peligrosong
kalagayan kapag di tayo umaksyon.
At di magkaisang makuhang masupil
ang pananalasa riyan ng nasabing
‘virus’ sa paraang nararapat sundin,
na kagaya r’yan ng ‘physical distancing’.
At kung lalabas ng bahay halimbawa,
mag- ‘face mask’ palagi na kubli ang mukha;
at kung hindi rin lang ‘essential’ ika nga
mas makabubuti ang huwag muna kaya?
Pagkat sa patuloy na pamamayagpag
nitong Covid-19, na wala pang tiyak
na gamot at hindi pa rin nakatuklas
ng kahit bakuna kailangang mag-ingat.
Nang di mahawaan man lang ng naturang
pandemya na hanggang sa kasalukuyan
ang lahat ng bansa sa mundong ibabaw
ay apektado ng ‘virus’ na naturan.
At hanggang ngayon nga tila isang tabak
na nakahamba r’yang sa dibdib tumarak
ng sinuman sa’tin ano pa mang oras
na madapuan ng sakit na kumalat.
Simple ang solusyon, at ya’y magagawa
ninuman, kahit na riyan ng mga bata
sa pamamagitan ng ating matiyaga
na pagsubabay at tamang pagkalinga.
Tayo na may edad na’t alam ang mali
ietse puwera ang pagba-bakasakali,
kundi bagkus tayo ay maging mapili
sa anong dapat na ikilos palagi.
Nang sa gayon ating ganap maiwasan
ang posibleng dulot na kapahamakan
sa buhay at sa ating kapaligiran
ng ‘virus’ na yan na may pagka-‘immortal’.
Na kapag di tayo natutong sumunod
sa pinatutupad at pinag-uutos
ng gobyerno upang ganap na matapos
ang laban sa Covid iisa ang sagot:
Ano pa ba kundi sa paunti-unting
ang buhay ng tao sa daigdig natin
ay paisa-isa r’yang sa Covid-19,
magwawakas at tuluyang magmamaliw!
At kung ang solusyon, gaya ng nasabi
sa unahan nitong column ni ‘yours truly’
disiplina lamang sa ating sarili
ang tanging paraan na makabubuti.
‘Stay home’ kung walang mahalagang bagay
na dapat lakarin o kaya puntahan,
nang sa gayon anong tsansang mahawaan
tayo ng pandemyang sakit na naturan!?