LUNGSOD NG OLONGAPO — Dalawang panibagong kaso ng Covid-19 ang naitala sa araw na ito, July 21.
Sa ipinalabas na ulat ni Olongapo Covid-19 Inter-Agency Task Force head Mayor Rolen Paulino Jr., ang unang pasyente ay isang 55-anyos na lalaki na lumuwas sa Maynila bilang bahagi ng kanyang trabaho.
Nitong July 16, siya ay nakaranas ito ng sakit sa ulo at nagkaroon ng lagnat. July 20 nang sumailalim siya sa RT-PCR test at ang resulta nagpositibo ito sa Covid–19. Ang pasyente na symptomatic ay nasa mabuting kalagayan at patuloy na minomonitor habang naka quarantine.
Ang pangalawang pasyente ay isang 72-anyos na babae na na-diagnosed na may breast cancer noong October 2019.
Nitong July 17, nakaranas ito ng hirap sa paghinga at dinala sa isang private hospital sa lungsod. Sumailalim siya noong July 18 sa RT-PCR test at nagpositibo ito sa Covid-19. Ang pasyente ay inulat na nasa mabuting kalagayan.
Nagsagawa na ng contact tracing ang city health office, samantalang wala namang sintomas na Nakita sa kanilang mga nakasalamuha na pinayuhang sumailalim sa 14-day home quarantine.