LUNGSOD NG BALANGA — Iniulat ngayong Sabado ni Gov. Albert Garcia na may 11 bagong kumpirmadong kaso ng coronavirus disease sa Bataan at isang nakarekober, batay sa huling tala ng provincial health office.
Umabot na sa 258 ang kabuuang bilang ng nagpositibo sa Covid–19 sa lalawigan na ang 79 ay aktibong kaso o ang mga pasyenteng hindi pa gumagaling sa kinatatakutang virus, sabi ng governor.
“Ang 11 bagong kaso maliban sa isang overseas Filipino worker na naitala ngayong araw ay dulot ng local transmission ng Covid-19 sa kanilang komunidad kaya paulit-ulit ang panawagan namin na sumunod sa mga nakatakdang safety protocol,” paalaala ni Garcia.
Ang mga bagong kumpirmadong kaso ng Covid–19 ay apat sa Orani, isa sa Balanga City at anim sa Mariveles, na ang isa ay lalaking OFW.
Sa pagkarekober ng isang 50-anyos na lalaki mula sa Orani, umakyat sa 169 ang kabuuang bilang ng mga pasyenteng gumaling na sa virus. Nananatiling 10 ang mga pumanaw na.
Ayon sa PHO, 244 ang naghihintay ng resulta ng pagsusuri samantalang 4,969 ang nagnegatibo na. May 5,471 na umano ang bilang ng mga sumailalim na sa Covid–19 test.