LUNGSOD NG BALANGA — Iniulat ni Gov. Albert Garcia ngayong Martes ng gabi na dalawang overseas Filipino worker ang nakarekober sa mapanganib nacoronavirus disease sa Bataan.
Sinabi ng governor na batay sa ulat ng provincial health office, ang mga bagong gumaling sa Covid-19 ay mga lalaking 34-anyos at 53-anyos na mga OFW at kapwa mula sa bayan ng Bagac.
Sa kabuuan, umabot na sa 160 ang nakarekober at nananatiling 233 ang bilang ng mga kumpirmadong kaso ng Covid-19 sa lalawigan, sabi ni Garcia.
Ang mga aktibong kaso naman ay 63 at nananatili sa 10 ang mga pumanaw na.
Mula sa 4,967 na sumailalim sa pagsusuri sa Covid-19, 4,510 na ang nagnegatibo samantalang 224 ang naghihintay ng resulta, batay sa report ng PHO.
“Upang hindi na dumami ang kaso ng Covid-19, patuloy ang ating tagubilin na palaging maghugas ng kamay, manatili sa inyong mga tahanan at kung kinakailangang lumabas ng bahay ay umiwas sa mga mataong lugar, magsuot ng facemask at mag observe ng physical distancing na isang metro,” palaging paalala ni Garcia.