ORANI, Bataan — Nagbalik pasada na ngayong Lunes ang mga pampasaherong jeepney sa Bataan matapos ang ilang buwang pahinga dulot ng pandemyang coronavirus disease.
Ang mga sasakyan ay may plastic cover na nagsisilbing proteksyon sa driver at pasahero. Ang mga driver ay nakasuot ng face mask at gloves at walang pasahero sa harap sa tabi ng driver.
May mga plastic cover din sa pagitan ng bawat pasahero.
Ayon kay Sonny Ferrer, Orani terminal dispatcher, 30 pa lamang mula sa dating mahigit 100 jeepney ang pinayagan ng Land Transportation Franchising Regulatory Board ang mamasada ng balikan sa rutang Orani–Balanga na dumadaan sa mga bayan ng Samal at Abucay.
Inire–record, aniya, ang mga pangalan, address at contact number ng mga pasahero bago sumakay sa jeepney.
“Para ma–monitor din ng opisina kung taga-saan sila para malaman namin kasi baka mamaya may positive sa area o barangay nila. Iyan ang hinahabol namin,”sabi ng dispatcher.
May sanitizer at alcohol din daw sila na nakahanda para mag–disinfect ng kamay ang mga pasahero pasakay at pababa at dini–disinfect din nila ang mga jeepney bago bumiyahe pabalik.
Naghahanda rin umano sila ng footbath at thermal scanner.
“Sa bawat plaza lang ng mga bayan ng Samal at Abucay maaring magsakay ng pasahero pero pwedeng magbaba kahit saang lugar,” sabi ng dispatcher.
Ang dati umano nilang pasahero kapag punuan ay 20 pero ang pinapayagan lang ngayon ay 9.
“Kasisimula lang namin ngayon at aalamin pa namin kung kikita kami o hindi. Malamang sa hindi kami kumita kaya lang ayaw namin pagtagalin na hindi kami magseserbisyo sa publiko kasi mawawala ang jeepney. Kasi nga ang jeep na isinusulong ng gobyerno samodernization program ay hindi namin kaya,” sabi ni Ferrer.
Sinabi naman ni Ricardo Panganiban, jeepney driver mula pa noong 1996, na pwede lang siyang magsakay sa plaza ng Samal, plaza ng Calaguiman sa Samal din at plaza ng Mabatang sa Abucay.
“Iyan ang pagkakasabi, hindi kami pwedeng mag–pickup sa ibang lugar kailangan point to point lang pick-up namin,” sabi ni Panganiban.
Tungkol sa malaking pagkabawas ng pinahihintulutang pasahero bawat jeepney, nag-aalaala ang mga driver na baka hindi kumita.
“Yan nga ang inaalala ko baka hindi kami kumita kasi di naman kami nagtaas eh. Susubukan na lang kung kikita,” sabi ng driver.
Natutuwa naman ang mga pasahero dahil sa balik–pasada ng mga jeepney.
“Malaking tulong sa akin lalo na sa kagaya ko na kailangang pumunta sa Balanga. Nakakatipid kami dahil dati nag-aarkila pa kami ng tricycle,” sabi ni Jocelyn Perez.
“Malaking tipid talaga ngayon hindi kapares ng nagti–tricycle kami ang laki ng pamasahe namin, ngayon kahit papano sabihin man nating ‘new normal’ pero okay naman din, mas nakakaayos kami ngayon,” sabi ni Raul David isa pang pasahero.