KUNG anong klase ng pamantayan mayrun
ang pamahalaan, partikular itong
DSWD sa pag-abot tulong
sa kung sinong dapat bigyan ay maugong.
Dahilan na rin sa kung sino talaga
ang dapat tumanggap, gaya ng ayuda
para sa ‘workers’ na nawalan ng kita
sapol magsara ang maraming kumpanya.
Ano’t kung alin ang marapat mabigyan
nitong ika nga ay ‘financial assistance,’
sila itong hanggang ngayon naghihintay
sa ayudang dapat noon pa binigay.
May pina-‘fill-up’ mang mga ‘official form’
ang DSWD pati na itong DOLe,
pero hayan sila’t magpa-hanggang ngayon
di nabiyaan ng kahit kaunting tulong.
Kung saan at alin itong di marapat
mabigyan ang siya unang nakatanggap,
base sa nakalap nating mga ulat,
na ang marami ay kamag-anak ni Kap?
At kung alin pa r’yan ang ‘poorest of the poor’
o iba pang tulad d’yang ng mga ‘seniors,’
na kaya umano di nabigyang tulong
nang dahil sa sila ay may ‘monthly pension?
Gaano na itong limang daang piso
na inilaan d’yan ng ating gobyerno
sa ‘ting mga ‘seniors’ sa panahong ito,
na ang lahat na nga ay ginto ang presyo?
Kung saan ay wala pa ngang beinte pesos
sa isang araw ang bigay na panustos
ng gobyerno upang ang kawawang ‘seniors,’
makabili kahit ‘generic’ na gamot?
Bumili ka lang ng bulak at alcohol
Ang ‘yong isang daan piso ubos ngayon;
Kaya’t masasabi nga nating ang pension,
na ‘five hundred a month’ ay sampal sa ‘seniors’!
Samantalang itong ‘4Ps’ kung tawagin,
na inilaan sa ‘poorest of the poor’ din,
kuntodo ATM ang gamit pa mandin
kung ang pension nga n’yan ay kanilang kunin.
At itong iba ay imbes na ibili
ng bigas at ulam, sa sugal parati
inuubos nitong sa madaling sabi,
mga pensyonado ng rehimeng Duterte!
Na walang iniwan sa mga nabigyan
ng ‘amelioration’ at/o ayuda r’yan
ng gobyerno pero sa totoo lang
ang iba, may sapat na pagkakitaan.
Kaya’t kung alin ang marapat talaga
na mabigyan nitong tawag ay ayuda,
sila itong hanggang ngayon umaasa
na mabigyan pa rin bagama’t huli na.
Sana nga sa lalong madaling panahon
ay maibigay na ng Administrasyon,
partikular na ng tanggapan nitong DOLe
at DSWD nang tuloy-tuloy!
Pagkat aanhin pa nga natin ang damo
kung sa tagal bago pa magapas ito,
para ipakain sa ating kabayo
ay patay na nga po sabi r’yan ni Lolo?!