Sakay sa pick-up inilibot ang imahe ni San Juan Paradenang wala ang tradisyunal na basaan. Kuha ni Ernie Esconde
DINALUPIHAN, Bataan — Ipinagdiwang Miyerkules sa bayang ito ang Araw ni San Juan Bautista sa napaka-simpleng paraan na ibang–iba sa nakaraang mga pagdiriwang.
Nagsimula ang selebrasyon sa isang Banal na Misa sa St. John the Baptist Church na sarado ang main door ng simbahan. Iilan lamang ang mga tao sa loob ng simbahan upang mapanatili ang social distancing.
May ilan ding mga deboto ang nagtiyagang nakinig sa Misa sa labas ng gilid ng simbahan.
Ang plaza na dating punong–puno ng tao ay bakante ngayon.
Matapos ang Misa, inilabas ang imahen ni San Juan at isinakay sa isang pick-up. Inilibot ang imahen sa kabayanan ng Dinalupihan na wala ang dating maraming taong nagsasayawan at nagsisigawan ng “tubig, tubig!”.
Noong wala ang coronavirus, punong–puno ng tao ang kalsada sa panahong ginugunita ang Araw ni San Juan.