STA. RITA, Pampanga— Tatlong barangay dito ang isinailalim sa partial lockdown matapos magpositibo ang dalawang residente sa coronavirus.
Ang Barangay Dila- Dila at Barangay Becuran ay isinailalim sa partial lockdown simula nitong June 20 habang isang linggo namang nasa partial lockdown na ang Barangay San Basilio.
Ayon kay Mayor Ferdinand Salalila, nagpositibo ang isang 55-anyos sa San Basilio na umuwi nitong Pebrero mula sa Guam. Isa itong cancer patient na nagpapa- check up sa isang pribadong ospital sa Maynila na sa kanilang imbestigasyon ay doon nito nakuha ang Covid-19.
Naka-confine ito sa kasalukuyan sa pribadong ospital at ang mga kasama nito sa bahay at mga nakasalumuha na 14 katao ay sinalang na sa swab testing.
Habang isang babaeng residente naman ng Dila-Dila na nagbibiyahe ng gulay sa Divisoria ay nagpositibo rin sa coronavirus. Ang asawa at anak nito ay naisalang na rin sa swab testing at naghihintay ng resulta nito.
Ayon pa alkalde, isang residente ng Becuran ang nakitaan ng mga sintomas ng coronavirus at hinihintay pa ang resulta ng swab test.
Dahil sa mga insidenteng ito ay sinailalim na nila sa partial lockdown ang tatlong barangay para sa pag-iingat at hindi na kumalat ang sakit. Imo-monitor nila ang mga papasok at lalabas ng nasabing mga barangay.
Sa kabuuan, 27 katao sa buong bayan ang nakitaan ng mga sintomas ng sakit at naghihintay pa din sila ng resulta ng swab test ng mga ito.
Nagpa-alala ang lokal na pamahalaan ng Sta. Rita sa mga residente doon na huwag matakot ngunit kailangan ng ibayong pag-iingat laban sa naturang sakit.
Sa ngayon ay naghihintay pa ng resulta ng mga swab test ang lokal na pamahalaan bago mapagdesisyuna kung kailan babawiin ang partial lockdown.