LUNGSOD NG BALANGA — Iniulat ng provincial health office Miyerkules ng gabi na isang overseas Filipino worker ang bagong kumpirmadong kaso ng coronavirus disease sa Bataan.
Dahil sa pangyayari, umakyat sa 167 ang kabuuang bilang ng confirmed Covid -19 cases sa lalawigan, ayon sa ulat. Ang naturang OFW ay 35-anyos mula sa lungsod na ito.
Sa kabuuan, 141 pa rin ang naka–recover na habang ang bilang ng mga active cases ay 16 at 10 ang pumanaw na.
Nasa 153 ang naghihintay ng resulta ng test, 3,103 ang nagnegatibo na at 83 ang bilang ng mga bagong na–test sa lalawigan.
Mula noong ika-31 ng Enero hanggang sa kasalukuyan ay 3,423 na ang na–test sa Bataan, sabi ng PHO.
“Muli, manatili lamang ang lahat sa inyong mga tahanan at ibayong pag-iingat pa rin upang hindi na dumami pa ang kaso sa lalawigan,” panawagan ng PHO.