Ang payak na pagdiriwang ng Araw ng Kalayaan sa Simbahan ng Barasoain at Pamintuan Mansion. Kuha ni Rommel Ramos
LUNGSOD NG MALOLOS — Itinuloy pa rin ang selebrasyon ng ika-122 Araw ng Kalayaan sa Barasoain Church sa lungsod na ito at sa Pamintuan Mansion sa Lungsod ng Angeles sa kabila ng Bagyong Butchoy at community quarantine.
Limitado lamang ang mga dumalo sa pagdiriwang sa dalawang lugar para maobserbahan ang social distancing.
Hindi nagawa sa Simbahan ng Barasoain ang taunang tradisyon ng pagtataas ng bandila pagsapit ng alas-8 ng umaga dahil naka-pre–position na ang bandila dahil sa protocol ng National Historical Commision of the Philippines kapag umuulan.
Inawit ang Lupang Hinirang ng mga lokal na opisyal sa lalawigan at nasundan ng pagpupugay sa bantayog ni Heneral Emilio Aguinaldo.
Ayon kay Gov. Daniel Fernando, kahit na sa gitna ng pandemya ang bansa ay mahalaga pa rin ang pag-gunita ng Araw ng Kalayaan.
Sa Simbahan ng Barasoain naisagawa ang Malolos Congress noong September 15, 1898 at noon namang January 21, 1899, naratipika ang Malolos Constitution na nagbigay daan sa inagurasyon ng First Philippine Republic noong January 23, 1899.
Samantalang lilimang lokal na opisyal lamang ang dumalo kasama ang ilang kapulisan para sa pagdiriwang at sa pagtataas ng bandila ganap na alas-8ng umaga sa Pamintuan Mansion.
Ayon kay Angeles City Vice Mayor Vicky Vega, bagamat umiiral pa rin ang community quarantine ay mahalaga pa rin na ipagdiwang ang Araw ng Kalayaan.
Aniya, bagamat naging payak ang pagdiriwang ay naging makabuluhan naman ito.
Taon-taon ding nagsasagawa ng paggunita dito ng araw ng Kalayaan sapagkat sa Pamintuan Mansion na ito sinilebra ni Heneral Aguinaldo ang kauna-unahang anibersaryo ng Araw ng Kalayaan noong June 12, 1899.
Noon kasing panahon na iyon ay may nagaganap na giyera sa pagitan ng Pilipinas at ng Estados Unidos kung saan napadpad ang pwersang Filipino sa norte partikular sa Pampanga nang makubkob ng mga Amerikano ang Maynila.
Dito binanggit ni Aguinaldo sa kanyang talumpati ang mga katagang “Filipinas is for the Filipinos,” dahil sa pananakop ng Amerika sa Pilipinas.