LUNGSOD NG BALANGA — Opisyal nang ipinahayag nitong Linggo ni Gov. Albert Garcia na ang buong lalawigan ng Bataan na binubuo ng 11 bayan at isang lungsod ay sasailalim sa general community quarantine simula Lunes, unang araw ng Hunyo.
Ito, aniya, ay alinsunod sa pasya ni Pangulong Duterte batay sa rekomendasyon ng national inter-agency task force na mula modified enhanced community quarantine ay GCQ na ang status ng lalawigan.
Pinayuhan ni Garcia ang kanyang mga kababayan na huwag magkampante dahil GCQ na ang Bataan sapagka’t ito, aniya, ay isang uri pa rin ng quarantine na naglilimita sa galaw ng mga tao ayon sa inilatag ng IATF.
Patuloy din niyang ipinaalaala sa lahat na kailangan pa rin ang ibayong pag-iingat dahil ang kalabang virus ay maaaring nandiyan lang sa paligid at hindi alam kung ang nakakasalamuha ay infected na dahil ang iba ay asymptomatic.
Narito ang ilan sa mahahalagang alituntunin na inilatag ng gobernador na mahigpit na ipatutupad sa ilalim ng GCQ sa Bataan:
1. Nananatili pa rin ang mga checkpoints dahil mahalagang ma–monitor at malimitahan pa rin ang pagpasok ng mga tao at sasakyan sa lalawigan.
2. Ang mga manggagawa na pinapayagan nang makabalik sa trabaho ay kinakailangan pa ring magpakita ng company ID at employment certificate, samantalang kailangan pa rin nilang makipag-ugnayan sa kani-kanilang pamahalaang lokal kung kinakailangan pa rin nilang kumuha ng travel pass o travel authority.
3. Mga kinakailangan o essential travels pa rin ang pinahihintulutan; ang mga wala pang 21–taong–gulang at lagpas 60–taong–gulang at ang may mga karamdaman ay pinapayuhang manatili pa rin sa kanilang mga tahanan.
4. Makabubuti pa rin na manatili sa bahay kung walang mahalagang lakad at kung kailangang lumabas, siguruhing gumamit ng face mask, sundin ang social distancing at palaging paghuhugas ng kamay.
5. Sa ilalim ng pangalawang kategorya, 50 porsyento pa lamang ng mga manggagawa ang pinapayagang makabalik na sa trabaho na kinakailangan lamang na magpakita ng company ID at employment certificate upang makapasok sa kanilang trabaho.
6. Ang mga may-ari ng establisyimento ay pinaaalalahanan na mahigpit na sundin ang mga alituntuning nauna nang inilatag ng pamahalaan upang mapanatili ang kaligtasan ng mga manggagawa.
7. Limitado pa rin ang mga pampublikong sasakyan. Pinahintulutan na ang mga tricycle subalit isang pasahero lamang, habang sa mga motorsiklo ay bawal pa rin ang may angkas.
Hinggil sa mga pampublikong transportasyon gaya ng mga bus at jeepneys, sinabi ni Garcia na hinihintay paang mga tagubilin ng LTFRB ukol dito.
Nakiusap ang gubernador ng lubos na pakikiisa at ng ibayong pag-iingat ng lahat.