LUNGSOD NG BALANGA — Iniulat ni Gov. Albert Garcia Huwebes ng gabi na dalawa ang bagong kumpirmadong kaso sa Covid–19, samantalang apat naman ang naka-rekober sa nakakatakot na sakit sa Bataan.
Ang mga bagong kumpirmadong kaso ay isang 49–anyos na babae mula sa bayan ng Abucay at isang babaing health worker na 38–taong gulang mula sa Orion.
Batay sa report ng provincial health office, umakyat sa 149 ang kabuuang bilang ng mga kumpirmadong kaso ng Covid–19 sa lalawigan.
Isang 6-taong–gulang na babae mula sa Abucay ang isa sa apat na bagong naka-rekober.
Ang iba pang gumaling ay isang 42–anyos na babae mula sa Mariveles, 51–anyos na lalaki sa Pilar, at 49–anyos na lalaki mula sa lungsod na ito.
Sa kabuuan, umabot na sa 134 ang naka-rekober o gumaling na sa Covid–19 at nananatiling pito ang pumanaw na.
Nasa 191 ang naghihintay ng resulta ng test at 2,199 ang nagnegatibo na. Mula noong ika-31 ng Enero hanggang sa kasalukuyan ay 2,539 ang sumailalim sa Covid–19 test sa lalawigan, sabi ng PHO.
“Muli, manatili lamang ang lahat sa inyong mga tahanan at ibayong pag-iingat pa rin upang hindi na dumami pa ang kaso sa ating Lalawigan,” panawagan ng gubernador.