Ang mga nakumpiskang pekeng quarantine pass. Kuha ni Rommel Ramos
LUNGSOD NG MALOLOS — Arestado sa entrapment operation ng Malolos police ang isang namemeke ng quarantine pass at isang customer nito sa Barangay Mojon.
Nakilala ang namemeke ng quarantine pass na si Roberto Sacdalan Jr., 41, at ang nagpapagawa naman ng pekeng dokumento ay nakilalang si Virgilio Escano, 40, kapwa residente ng nasabing lugar.
Ayon kay Lt. Col. Jacquiline Puapo, hepe ng Malolos City police, nakatanggap sila ng impormasyon na si Sacdalan ay namemeke ng mga quarantine pass at mga sari-saring government IDs.
Dito na sila nagsagawa ng entrapment operation at nakumpiska mula sa suspek ang mga pekeng quarantine pass, personal computer, mga gamit sa pag-gawa ng dokumento at dalawang P20 marked money.
Depensa ni Sacdalan na may nagpapagawa lamang sa kaniya para i-duplicate ang quarantine pass gaya ni Escano dahil marumi na ang orihinal na quarantine pass nito.
Ngunit malaunan ay natuklasan ng pulisya na ang pinapakopya pala na quarantine pass ni Escano ay hindi nakapangalan sa kanya. Sagot naman ni Escano gagamitin sana niya ang pinapagawang quarantine pass para sa kaniyang pagtatrabaho.
Mahaharap ang mga suspek sa mga kasong falsification of public documents at RA 11332 at sila ay kasalukuyang nakaditene sa Malolos Police Station.