MARSO 9, 2011. Sa ika-74 na taon ng kapanganakan ni Arsobispo Paciano B. Aniceto ng San Fernando, tanging maiaalay ko sa kanya ay ang pagpapahalaga at pagmamahal na umusbong pa noong aking kabataan at patuloy na yumayabong at namumukadkad sa pagdaraan ng panahon.
Ang sanaysay na ito ay lumabas sa The Angeles Sun, petsang Pebrero 12-18, 1989 matapos mahirang na obispo ng San Fernando si Apu Ceto.
PURIHIN ANG Panginoon!
Sa pagkahirang kay Obispo Paciano B. Aniceto bilang bagong arsobispo ng Arkidiosesis ng San Fernando, laksang puso ang natuwa’t nagdiwang. Kasama na ako.
Napakalaking bahagi ng aking buhay ang naka-ugnay kay Apu Ceto, nakagisnang tawag namin sa kanya noong isa siya sa aming mga padre superyor sa Mother of Good Counsel Seminary (MGCS) sa San Fernando noong mga huling bahagi ng dekada ’60 at mga unang taon ng dekada ’70.
Nasa antas na Media o ikalawang taon sa mataas na paaralan ako nang malulong sa kaisipang pulahan. Sa halip na bibliya, missal o rosaryo, madalas na kapiling ko’y Communist Manifesto at Das Kapital ni Marx, Revolution in a Revolution ni Debray, Diaries ni Che Guevara, mga obra ni Lenin, at ang pinagpipitagang pulang aklat ng noo’y Dakilang Asyanong si Mao.
Hindi ikinagalit man lamang ni Apu Ceto, noo’y amin nang spiritual director, ang aking pagkahaling sa ideolohiyang sinasabing hindi kumikilala sa Diyos. Tanging payo niya sa akin ay bumasa rin ng mga aklat ng kakaibang kaisipan upang maging pantay ang aking pananaw, malawak ang aking kaalaman, malalim ang aking pang-unawa.
Natatandaan ko pa, bugso ng kapalaluan ng kabataan at kalabisang dala ng bagong kaalaman, hinamon ko pa si Apu Ceto ng debate: na walang Diyos, na ang Diyos ay kathang-isip lamang ng tao.
Mabuti na lamang – para sa aking kapakanan – at hindi niya ako pinatulan.
Isang bukal ng kabanalan si Apu Ceto. Noong siya na ang aming rector, sa antas na Poetry o ika-apat na taon, madalas ay kinakapos ang pagkain sa seminaryo dahil na rin sa kakulangan ng pondo. Ang tugon ni Apu Ceto sa hamon ng pangangailangang materyal ay pamamaraang espirituwal.
Ito ang tinawag namin noong “milagro” ni Apu Ceto. Kung ilang beses namin siyang nakitang nagdasal sa munting kapilya ng seminaryo, ganoong beses din nagdatingan ang sako-sakong bigas, kahon-kahong de-lata, isda’t karne na hindi inaasahan.
Ang aming klase – 1971, ang itinuring na una at pinaka-radikal sa lahat ng nagtapos ng high school sa MGCS – unang bumoykot ng klase at nag sit-out; harapang nakipagbanatan-kaisipan sa mga pari; at nagpaputok ng Molotov bomb.
Ang aming pagtatapos ay binoykot naman ni Obispo Emilio Cinense noon (isa pang una sa seminaryo). Dahil na rin marahil sa mga banta na hindi kami hahalik sa kanyang kamay bagkus kami’y magtataas ng kuyom na kamao matapos kaming abutan ng aming diploma.
Kay Apu Ceto – na kumatawan sa obispo – buong klase ay nagmistulang maaamong kordero: lahat ay lumuhod sa kanyang paanan, humalik sa kanyang kamay, sa kabila ng kanyang pagtutol. (Ito marahil ay unang pahiwatig sa kanyang napipintong pagiging obispo).
Ganoon kahalaga at kamahal sa amin si Apu Ceto.
Ang pinakamalaking utang na habang buhay kong tatanawin kay Apu Ceto ay nangyari matapos akong lumabas na ng seminaryo ng San Jose at nag-aaral na sa Assumption sa San Fernando.
Ako ay pinaghahanap na aktibista matapos ideklara ang batas militar ni Marcos.
Hindi ako makabalik sa paaralan hangga’t hindi nakakakuha ng clearance mula sa militar.
Tanging si Apu Ceto lamang ang naglakas loob na ako’y tulungan sukdang lagdaan pa niya ang isang kasunduang siya na lamang ang ihahalili sa akin – siya ang una pang ikukulong – kung ako ay muling sasanib sa kilusan.
Paglabas sa himpilan ng Konstabularya sa may Kapitolyo, wala ni isang kataga ng paninisi, o babala ang lumabas sa bibig ni Apu Ceto. Tanging hiling niya sa akin ay samahan siya sa simbahan para magdasal.
Sa isang madilim na sulok ng katedral, walang tigil ang pag-agos ng aking luha, damang-dama ang pagmamahal ng isang dakilang ama sa isang suwail na anak. Sa saglit na iyon, sa tabi ng nakaluhod na si Apu Ceto, aking nasumpungan ang daan ko sa Damasko, ang aking pagbabalik-loob sa tinalikuran kong pananampalataya.
Si Apu Ceto ay pinagpipitagang banal. Sa wikang Ingles, he imbues his grace in those whose lives he touches. Binasbasan ng pagpapala ng Poong Maykapal ang Pampanga sa pagkakaroon ng isang Apu Ceto.