Ang nasabat na 20 mga kahon ng local brand na alak sa kabila ng umiiral na liquor ban. Kuha ni Rommel Ramos
GUIGUINTO, Bulacan — Arestado ang dalawang lalake matapos matimbog sa checkpoint na may dalang mga kahon ng alak sa kanilang truck.
Nakilala ang mga naaresto na sina Aaron Chester, 34,driver at Paul Mark Bandiwan, 32, helper kapwa residente ng Barangay Pulong Gubat, Balagtas dahil sa paglabag sa liquor ban kaugnay ng umiiral na enhanced community quarantine.
Bukod sa dalawa ay kasama rin sa sinampahan ng kaso ang isang nagngangalang Lucky Jayson San Luis, admin manager ng isang supermarket at residente ng Barangay Tuktukan.
Ayon kay Guiguinto police chief Major Rolando Geronimo, isang concerned citizen ang nagparating sa kanila na may nagaganap na bilihan ng alak sa kanilang lugar.
Agad silang nagsagawa ng Oplan Sita hanggang sa mamataan ang Elf truck nina Chester at Bandiwan at nang siyasatin ay nakita ang 20 kahon ng local brand na alak.
Aminado naman ang dalawa na alak ang kanilang karga na nabili nga sa isang supermarket at sila ay nakaditene ngayon sa Guiguinto police station.