Si Mayor Cris Garbo na ipinaliwanag na aspiration pneumonia ang dahilan ng pagkamatay ng sanggol at handang tumulong ang lokal na pamahalaan sa mga namatayan. Kuha ni Rommel Ramos
LUNGSOD NG MABALACAT — Patay ang isang 5-buwang gulang na sanggol sa Barangay Mabiga ditonitong Miyerkules matapos umanong mabakunahan ng tatlong beses sa health center.
Ito ang hinaing ng mga magulang ni Princess Leen Maturan, nguni’t ayon sa lokal na pamahalaan ng Mabalacat aspiration pneumonia ang dahilan ng pagkamatay ng bata.
Ayon kay Aileen Maturan, ina ng sanggol, umaga ng Miyerkules ay binakunahan ang kanyang anak ng tatlong beses sa health center at bandang tanghali ay nangitim na ang kaniyang anak.
Aniya, posibleng hindi kinaya ng kaniyang anak ang tatlong bakuna na itinurok dito.
Ayon naman sa lola ng sanggol na si Jennilyn Canlas, bandang alas-2 ng hapon ay nanghina na ang apo hanggang sa nangitim at nang isinugod sa ospital ayidineklarang dead on arrival.
Hindi naman daw sila magsasampa pa ng kaso laban sa mga health workers upang matahimik na ang apo.
Paliwanag naman ni Mayor Cris Garbo, hindi tatlong beses na binakunahan ang sanggol at ang itinurok dito ay 5-in-1 vaccine para sa final session.
Aniya, nang makauwi ang mag-ina matapos magpabakuna ay pinadede ito at ayon sa kanilang findings ay nagkaroon ng aspiration pneumonia ang sanggol dahil sa gatas na pumasok sa baga na naging dahilan ng pagkamatay nito.
Ani Garbo, hindi maaring isisi sa overdose ng bakuna ang kamatayan ng bata dahil hindi basta-basta ito ini-inject at sinusuri munang mabuti ang babakunahan.
Gayunpaman ay ipinagpapatuloy pa rin aniya ng lokal na pamahalaan ng Mabalacat ang imbestigasyon sa insidente.
Handa namang tumulong ang city government sa pamilya ng sanggol at nakikiramay sila sa pamilya ng namatay na sanggol ngunit sa tingin niya ay ginawa naman lahat ng tama ng RHU ang pagbabakuna para dito.