Ang DPWH 1st District Engineering Office ng Zambales. Kuha ni Johnny R. Reblando
CASTILLEJOS, Zambales — Sa kabila ng pinaiiral na enhanced community quarantine, tiwala ang Department of Public Works and Highways na hindi gaanong maapektuhan ng budget realignment ang mga infrastructure project sa 1st District Engineering Office ng Zambales.
Ito ay dahil sa natapos na ang project bidding sa mga priority projects at nai-award na sa mga contractor bago pa man magsimula ang epekto ng coronavirus na naging dahilan para bawasan ang mga budget allocation ng marami sa mga departamento ng pamahalaan gaya ng DPWH.
Ayon kay DPWH 1st District Engineer Hercules Manglicmot, aabot ng P2 billion ang halaga ng mga project proposal para sa unang distrito ng Zambales at tapos na ang bidding sa mahigit 80 porsiyento at hindi na mapapasama sa mga babawiin ng national government.
Ang mga flood control project gaya ng drainage at slope protection ang pangunahing pagkakagastusan ng DPWH 1st District sa Zambales na nakakasakop mula Olongapo City hanggang bayan ng San Marcelino.