Pinangunahan ni Vice Mayor Sixto Mallari, Jr. ang pagdinig sa sangguniang bayan para alamin ang detalye ng mga reklamo sa mga hindi kwalipikadong nakatanggap ng ayuda mula sa SAP. Kuha ni Rommel Ramos
ARAYAT, Pampanga — Nagsauli ng perang natanggap mula sa Social Amelioration Program ang ilang kaanak ng mga barangay officials sa Barangay Lacmit ditomatapos ireklamo ang mga ito ng iregularidad sa pagkakatanggap ng pondo.
Ayon kay MSWDO head Elvira Gatus, mula sa mga reklamong nakarating sa kanilang tanggapan ay 31 na ang kabuuan ng mga nagsauli ng pera sa kanila at 20 mula dito ay mula sa Barangay Lacmit.
Ang mga perang naibalik mula sa mga inireklamong unqualified recipients ay dadalhin naman ng MSWDO sa municipal treasury.
Ang MSWDO na ang magpa-facilitate para palitan ang mga ito ng qualified recipients habang ang mga hindi naman nagsauli ay iba-validate nila kung kwalipikado nga talaga ang mga ito na makatanggap ng ayuda.
Ani Gatus, nagkaroon ng sabwatan sa pagitan ng mga barangay officials at ng nakatalagang daycare teachers sa pamamahagi ng SAP na labag sa guidelines.
Kaya’t inirekomenda na din niya sa dalawang daycare teachers sa Barangay Lacmit na magbitiw na lamang sa pamimigay ng SAP ngunit hindi naman nangangahulugan na ligtas na ang mga ito sa posibleng kasong kakaharapin matapos ang ginagawang imbestigasyon.
Ayon naman kay Arayat Vice Mayor Sixto Mallari Jr., bukod sa reklamo na ito laban sa mga barangay officials ay may mga nakatatanggap ng SAP sa kanilang lugar na pawang mga hindi naman kwalipikado bilang mga “poorest of the poor.”
May mga barangay pa daw dito na inoobliga naman ang mga SAP recipients na magbalik ng hanggang P2,000 para naman ipambili ng mga relief goods na ipapamigay sa mga hindi nabiyayaan ng ayuda bagay na taliwas aniya sa inilabas na guidelines para dito.
Ani Mallari, hindi nila palalagpasin ang naturang insidente at magsasampa ng kaukulang kaso kung kinakailangan habang sisiguruhin na hindi na ito mauulit lalo na sa pangalawang bahagi ng pamimigay ng SAP na tulong sa mga mahihirap na apektado ng epidemya.
Aminado naman si Barangay Lacmit chairman Joseph Barrera na nakatanggap ng ayuda ang kanyang mga kaanak.
Sa katunayan ay nagsauli na ng pera ang kanyang manugang at sasabihin din niya sa kanyang ina na isauli ang nakuhang pera ngunit ang asawa ng kanyang kapatid ay iginiit na kwalipikado naman na makatanggap ng SAP at desisyon na nito kung isasauli pa ang perang nakuha mula sa ayuda.
Aniya, ang asawa ng sekretaryo ng barangay at iba pang inireklamong nakatanggap ng ayuda ay nagsauli na rin ng pera.
Paliwanag pa ni Barrera na hindi siya nakialam sa proseso ng pamimigay ng SAP at ang mga daycare teachers ang nangasiwa sa listahan ng mga taong dapat na makatangap ng pondo.